Matapos ang sunud-sunod na pagsasanay at pagpupulong, sinimulan na ng pilot province, Marinduque, ang paggawa ng huling hakbang para sa implementasyon ng Provincial Agriculture and Fishery Extension System (PAFES) - ang Mapping Out of Collaborative Provincial Agriculture and Fisheries Extension Programs (CPAFEP). Ito ay isinagawa kamakailan sa Boac, Marinduque.
Ang CPAFEP ang magiging basehan sa gagawing Memorandum of Agreement para sa co-sharing/co-funding kasama ang partner agencies at iba pang stakeholders. Dito ay masusing pinagpaplanuhan ng iba’t ibang ahensiya ang mga programa at proyektong makakatulong sa pag-unlad ng probinsya.
Ilan sa agri-fishery commodities na kinilala ng probinsya para sa CPAFEP ay ang rice, corn, saba banana, vegetables (pakbet), tilapia at ang aprubadong commodities sa Provincial Commodity Investment Plan (PCIP) ng Philippine Rural Development Plan (PRDP) - ang arrowroot, swine at coconut.
Binigyang diin ni PAFES Focal Person/Regional Technical Director for Operations Engr. Elmer T. Ferry ang pagkakaroon ng magandang istratehiya, pagpatibay at pagsasagawa ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, at mainstreaming ng programa upang siguradong maayos na maipatupad ang lahat ng plinanong proyekto para sa sektor ng agrikultura at pampangisdaan.
“We need to strengthen our partnership with the farmers, cooperatives and associations and invite potential inventors upang lahat ng ginagawa ng ating mga magsasaka ay magkaroon ng impact nang tumaas ang kanilang produksyon at kita,” dagdag ni RTD Ferry.
Siniguro naman ni G. Roy Lecaros, Planning Officer ng Provincial Local Government Unit, ang suporta para sa ibang priority commodities na hindi naisama sa top priority.
“Wala tayong dapat ikabahala dahil kahit wala sa top priority ang ibang commodities ay mayroon namang regular at local fund para suportahan ang mga ito,” sabi ni G. Lecaros.
Kasama sa aktibidad si Dr. Rex. L. Navarro, Consultant at Technical Working Group Member ng PAFES Coalition Agriculture Modernization in the Philippines mula sa DA Central Office. Tinalakay niya ang Establishment of PAFES at Developing of CPAFEP. Ginabayan niya ang grupo sa pagsasaayos ng datos at sa proseso ng mapping out ng CPAFEF. Binigyang diin nya rin ang kahalagahan ng PCIP bilang pangunahing basehan sa pagbuo ng CPAFEF.
Ang Department of Agriculture MIMAROPA kasama ang PLGU, Agricultural Training Institute - MIMAROPA, anim na Local Government Units, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, National Irrigation System, Cooperative Development Authority, Department of Trade and Industry, at Philippine Coconut Authority ay nagbigay rin ng kanya-kanyang komento at mungkahi patugkol sa pagsasaayos at pagsasapinal ng CPAFEP.
Sa ngayon ay patuloy ang pagbuo ng CPAFEP at ito ay nakatakdang matapos at masuri ni Dr. Navarro sa unang linggo ng Hulyo taong kasalukuyan.