News and Events

Corn Harvest Festival, FFS Graduation, idinaos sa Occidental Mindoro
Larawan ng FFS graduates kasama sina (mula sa kaliwa) APCO Eddie Buen, OIC PA Engr. Alrizza Zubiri, Municipl Corn and Cassava Coordinator Wilma Sagun, OIC RTD Ma. Christine Inting, OIC MA Reynaldo Factor, Consultant Financial Executive Assistant II Norberto Canillo at Brgy. Captain Hon. Rodrigo Nunez.

Corn Harvest Festival, FFS Graduation, idinaos sa Occidental Mindoro

Limampu’t walong (58) kasapi ng San Miguel Multi-purpose Cooperative (SAMMUCO) ang nagtapos sa Season-long Farmers’ Field School (FFS) for Corn Production. Ito ay ginanap sa Brgy. Claudio Salgado, Sablayan, Occidental Mindoro, ika-23 ng Marso.

Sa pangunguna ni Ptr. Ariel Gonzales, tagapamahala ng SAMMUCO, kasama ang mga board of directors at ibang kasapi nito ay matagumpay na natapos ang FFS sa loob ng 16 na linggong pag-aaral mula Nobyembre 2021 hanggang Marso 2022.

“Isa pong karangalan na magkaroon dito ng FFS lalo na ang napiling benepisyaryo ay ang aming kooperatiba. Marami kaming natutunan at alam kong magiging malaking tulong itong FFS lalo na sa mga magsasaka dito sa aming lugar,” sabi ni Ptr. Gonzales.

Ang FFS ay sa ilalim ng Kasaganaan sa Sakahan at Kalikasan (KASAKALIKASAN) ng National Integrated Pest Management (IPM) Program. Ito ay sa pangunguna ng Department of Agriculture-MIMAROPA sa pakikipagtulungan sa National Agricultural and Fishery Council, Provincial Government ng Occidental Mindoro at Municipal Government ng Sablayan.

“Dati po ay basta-basta nalang kami nagpapatanim ng mais, magpapa-hand tractor kami pero kinabukasan ay bugkol-bugkol pa at masukal ang aming tataniman pero ngayon po alam na naming ang tamang land preparation. Nagpapasalamat po kami sapagkat kami ay inyong tinuruan. Ang mga karagdagang kaalamang aming natutunan ay malaking tulong upang mapaunlad ang aming pamumuhay,” pasasalamat ni Gng. Leilanie Cortes, miyembro ng SAMMUCO mula sa Brgy. Claudio Salgado.

Ipinakita rin ni Gng. Maricris Pangatungan, Agricultural Extension Worker, ang resulta ng FFS na kung saan nagsagawa sila ng crop cutting upang malaman ang tantiyang ani sa bawat ektarya. Base sa kanilang nagawang pag-aaral, lumalabas na ang J505 at Dekalb 8282S ang may pinakamataas na ani na 6.4 MT/ha.

Ibinahagi rin ni OIC-Regional Technical Director (RTD) for Research and Regulations, Regional Agricultural Engineering Division Chief at Regional Corn Coordinator Engr. Ma. Christine C. Inting ang kahalagahang mai-cluster ang mga asosasyon/kooperatiba dahil ito ang magiging basehan sa pagbibigay ng interventions sa mga magsasaka.

“Hindi na po kasi maganda na ipapakita natin na isang ektarya lang ang maitatanim dahil ang gusto ni Secretary William Dar ay nasa 100 ektarya upang makita ang epekto kapag kailangan po nating magpa-demo,” sabi ni RTD Inting.

Ipinahayag rin ni RTD Inting ang ipamimigay sa SAMMUCO na feed mill na nagkakahalaga ng 4.6 million (2.4M para sa warehouse at 2.2M para sa equipment) at hauling truck mula sa Enhanced Kadiwa.

Namahagi rin ang kagawaran ng apat (4) na hermetic storage bag na nagkakahalaga ng Php 145,000.00 ang bawat isa sa apat (4) na asosasyon sa Sablayan: ito ay ang Tuban Farmers Association at Family Arranged the Resources and Management Multi-Purpose Cooperative ng Brgy. Tuban; United as One Agricultural Cooperative ng Brgy. Batong Buhay at Sta. Lucia Farmers Association ng Brgy. Sta. Lucia.

Larawan ng Harvest Festival ng Yellow Corn kasama ang mga FFS graduates/ miyembro ng SAMMUCO sa pangunguna ni Manager Ptr. Ariel Gonzalez (pangatlo mula sa kaliwa)

Sa parehong araw ay ginanap rin ang Harvest Festival ng Yellow Corn Model Farm. Dito makikita ang iba’t ibang variety ng mais mula Pioneer, Dekalb at Asian Hybrid.

Nagsagawa rin ng Field Day on Yellow Corn Technology Demonstration sa Sitio Lumintao, Brgy. Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro noong Marso 24, 2022. Ito ay dinaluhan ng 90 magsasaka mula sa bayan.

Nagkaroon ng varietal demonstration ng J505 ng Asian Hybrid na itinanim sa 1.2 ektaryang lupain ng farmer co-operator na si G. Lopito Pascual Jr. Nagsagawa rin ng crop cut ang mga magsasaka upang malaman kung ilan ang pwedeng maani.

Ang dalawang araw na aktibidad ay dinaluhan rin ng Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, OIC Provincial Agriculturist Engr. Alrizza C. Zubiri, OIC Municipal Agriculturist ng Sablayan na si G. Reynaldo Factor at Municipal Agriculturist ng Rizal na si G. Jehu Michael Barrientos.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.