News and Events

Construction worker patuloy na kumikita sa 4Ps ng DA
Upang magkaroong ng pagkakakitaan habang tigil sa pagtatrabaho si Rodel Pareño, nagtutulungan silang mag-asawa na magtanim at magbenta ng mga gulay na galing sa Department of Agriculture (DA). Larawan kuha ni APCO Lucila Vasquez

Construction worker patuloy na kumikita sa 4Ps ng DA

Isa ang pamilya ni G. Rodel Parreño, construction worker mula sa Brgy. Puras, Boac, Marinduque, na isa sa maraming manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa Enhanced Community Quarantine, at ngayo'y patuloy na kumikita mula sa mga butong pananim na nagmula sa Plant, Plant, Plant Program ng Department of Agriculture (DA).

 Ang "Plant, Plant, Plant Program" ay inilunsad upang hikayatin ang mga mamamayan na magtanim ng gulay na maaring anihin sa loob ng 1 o 2 buwan lamang. Layunin din nitong siguraduhing may sapat pa ring pagkain ang bawat mamamayan ngayong may krisis dahil sa CoViD19.

Matapos mawalan ng trabaho si G. Parreño noong Marso, kasama ang kanyang asawa na si Gng. Gloria Parreño, agad silang nagtungo sa Agricultural Program Coordinating Office (APCO) ng DA na matatagpuan sa Boac upang humingi ng binhi. Kabilang sa mga nakuhang binhi ay upo, kalabasa, petsay, mustasa, sitaw, talong, okra. Ito ay kanilang itinanim sa kanilang bakuran na may sukat na 200 sq.m.

"Petsay at mustasa ay madali lang mapagkakitaan dahil ilang linggo lang ay pwede na ma-harvest," sabi ni Gng. Parreño.

Dalawa (2) hanggang tatlong (3) beses sa isang linggo kung maglako ng gulay si Gng. Parreño. Ito ay kaniyang ibinibenta sa kanilang lugar at sa mga kalapit na barangay. Kumikita sila ng Php 150-300 upang maibili ng kanilang pangangailangan sa bahay katulad ng bigas, asukal, kape at sabon.

"Malaki pong tulong ang binhi mula sa DA dahil dito namin nakukuha ang aming pang-ulam at pangbenta. Malaki po ang nagagawang tulong nito dahil simula noong mag-lockdown ay dito po talaga kami kumuha ng pangkain," ani Gng. Parreño.

"Enjoy pong magtanim dahil nawawala 'yung inip ko sa construction na pinagkukunan ko dati ng hanap-buhay. Nagbubungkal ako ng lupa at naglilinis ng taniman tapos ngayon may pinagkukunan na ng pagkain sa araw-araw," sabi naman ni G. Parreño.

Tulong-tulong ang buong pamilya upang mapayabong ang kanilang tanim na gulay. Silang mag-asawa ang nagtatanim gamit ang kusot ng kahoy at tuyong dumi ng hayop bilang pataba. Samantala, ang kanilang pitong (7) mga anak, maliban sa bunso na si Rich Gladiel,1 taong gulang; Robby Greg, 15 taong gulang; Rielah Graze,13 taong gulang; Rein Gloriel,11 taong gulang; Rovil Gave,9 taong gulang; Rence Gwendel,8 taong gulang; at Rose Gleidhel,7 taong gulang, ay tumutulong sa pagdidilig at pag-iigib ng tubig gamit ang refilling bottles sa poso ng kanilang kapitbahay.

Ayon sa pamilya Parreño, patuloy pa rin ang kanilang pagtatanim ng gulay kahit matapos na ang lockdown dahil ito ay malaking tulong sa kanilang pamilya at dahil mahilig rin sa gulay ang kanilang mga anak.

"Malaki po ang tulong ang gulay sa mga bata dahil hindi po nagkakasakit ang mga bata at malalakas po ang kanilang pangangatawan," dadag ni Gng. Parreño.

"Masaya kami sa High Value Crops Development Program at nakakatulong ang programa. Magandang project ito ni Secretary Dar kasi ang mga tao ay nakakakain ng masustansyang gulay, walang insecticides at nagkakaroon sila ng additional income. Hindi na sila aasa sa relief goods. Tama ang kasabihang, "kapag may itinanim, may aanihin,” wika ni Gng. Corazon Sinnung, HVCDP Focal Person ng DA MIMAROPA.

Samantala, ayon kay APCO Lucila J. Vasquez, ang APCO office ay namamahagi ng libreng binhi para sa mga walk-in clients. "Ako ay nagtatabi ng binhi sa opisina para sa mga walk-in clients dahil ayaw ko na umaalis ang magsasaka na walang dala," sabi APCO Vasquez.

Namahagi rin ang Kagawaran ng mga libreng binhi sa bawat munisipyo. Ito ay libreng makukuha sa Municipal Agriculture Office ng mga mamamayang gustong magtanim ng gulay sa kanilang bakuran.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.