News and Events

Clustering ng mga sakahan ng palay, patuloy na tinututukan ng DA MiMaRoPa Rice Program
Kasama ni Rice Program Regional Focal Person Ma. Theresa S. Aguilar sa pagbisita sa mga clustered rice farm areas sa bayan ng Bongabong ang mga kapwa kawani sa Rice Program at si APCO Coleta Quindong ganonrin ang Agricultural Extension Worker mula sa Municipal Agriculture Office na si Gng. Ornalyn Angeles.

Clustering ng mga sakahan ng palay, patuloy na tinututukan ng DA MiMaRoPa Rice Program

Binisita kamakailan ng mga kawani ng Department of Agriculture MiMaRoPa Region sa pangunguna ni Ma. Theresa Aguilar, Rice Program Focal Person, ang mga clustered rice farm area sa iba’t ibang bayan sa Oriental Mindoro.  Layunin ng naturang pagbisita na tingnan ang kasalukuyang kalagayan ng mga ito at magsagawa ng balidasyon hinggil sa mga iniulat na mga clustered area sa kanilang tanggapan.

Nagdaang dry season nang simulan ng naturang programa ang clustering ng mga rice farms sa rehiyon alinsunod na rin sa atas ni Dept. of Agriculture Sec. William Dar- sa ilalim ng One DA Agenda kung saan nakapaloob ang Bayanihan Agri Cluster.  Sa ilalim ng clustering, mas mapapalakas ang mga asosasyon ng mga magsasaka, mas mapapadali ang pagbababa ng mga interbensyon ganonrin ang pagbibigay ng teknikal na superbisyon sa mga magsasaka. 

“Dati-rati, hiwa-hiwalay ang pagbibigay namin ng mga binhi, tatlong (3) ektarya dito, nandoon ‘yong isang (1) ektarya, but last season ay nagdesisyon kami base na rin sa direktiba ni Sec. Dar na i-cluster na talaga sila kasi realizing din iyong mga advantages ng parang corporate farming kung nakacluster ang mga farmers,” paliwanag ni Rice Program Regional Coordinator Aguilar.

“Kasama sa clustering ang F2C2 (Farm and Fisheries Clustering and Consolidation) at AMAD (Agribusiness & Marketing Assistance Division) at ang goal natin is to complete the whole value chain ng rice, kung wala pang facilities, i-link (sila) ng AMAD sa mga possible institutional buyers.  Itong mga clusters na binubuo natin ay tatawagin natin silang “small brothers” na ili-link sa “big brothers” o sa malalaking cooperatives na namamahala na ng RPC,” ani pa niya.

Tiningnan ng grupo ang estado ng mga clustered na palayan sa Brgy. Dayhagan, Bongabong na may dalawang clusters at isang samahan ng mga magsasaka, ang Dayhagan Farmers Association.

Kabilang sa mga pinuntahan ng grupo nina Bb. Aguilar ang limang (5) cluster sa bayan ng Bongabong partikular sa mga barangay ng Kaligtasan (1 cluster); Dayhagan (2 clusters); at Camantigue (2 clusters). 

Sa ginawang pagbisita, nakita nila na madali nang kuhanan ng datos ang mga clustered area hinggil sa gastos sa produksyon ng palay, nutrient management ng mga sakahan, bilang ng pagbaba o pagtaas ng produksyon at iba pang mahahalagang impormasyon upang makabuo ng isang data base.

Bagama’t hindi naging madali noong una ang pagtanggap sa konsepto ng clustering ng ilang mga lokal na opisyales ng mga probinsiya at bayan sa rehiyon, ibinahagi niya na sa ngayon ay tuloy-tuloy na ang pagbuo ng mga ito kung saan umaabot na sa 235 ang clustered rice farms sa buong MiMaRoPa.

“Tinalakay muna namin sa kanila ang One DA Reform Agenda saka namin ipinasok ang Memo Circular No. 11 ng ating kalihim na nagsasaad na dapat ang hybrid ay ili-limit na lang sa mga ganitong areas, for those areas na nagyi-yield ng more than 500 metric tons sa partikular na munisipyo at dapat ay mayroon itong yield advantage na isang (1) metric ton over sa inbred.  Kaya kahit sabihin mo na limang (5) metric tons ang naani ng hybrid at 4.3 naman ang inbred, hindi na iyan isasama.  Bakit ka pa nga naman magi-invest sa mahal na binhi ng hybrid kung kakaunti lamang naman ang advantage na nakukuha natin,” pahayag niya.

Sa huli, patuloy aniya nilang palalakasin ang mga asosasyon na nasa likod ng mga clustered area at itutuon ang mga interbensiyon sa mga ito kasama na ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) para sa mga makinarya na malaki ang maitutulong sa kanila.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.