News and Events

Pagpapakita ng pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) para sa implementasyon ng CADP 2024-2028.
Pagpapakita ng pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) para sa implementasyon ng CADP 2024-2028.

CADP 2024-2028 para sa Mag-Asawang Tubig Watershed Convergence Area, inilunsad

Inilunsad ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) ang Mag-Asawang Tubig Watershed Convergence Area Development Plan (CADP) 2024-2028 para sa apat na barangay---Barangay Alcate, Villa Cerveza, Bagong Buhay, at Loyal---na nasasakupan ng nasabing ilog sa Victoria, Oriental Mindoro, ika-28 ng Agosto.

Ang NCI-SRD ay kinabibilangan ng Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources(DENR), Department of Agrarian Reform(DAR), Department of Interior and Local Government (DILG) na magtutulungan para pangalagaan, proteksiyonan, at panumbalikin ang sigla sa rural area na nangangailangan ng likas kayang pamamahala at paglinang ng mga likas na yaman nito.

Isa naman ang CADP sa mga proyekto ng programa na naglalaman ng balangkas ng mga isasagawang interbensiyon ng mga ahensiya para maisakatuparan ang adhikain nito. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalakas, pagpapatibay, at paglinang ng mga kakayahan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga katutubong nakatira sa lugar.

Sa mensahe ni Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. na binasa ni DA OIC-Regional Technical Director (RTD) for Research and Regulations Dr. Nanette Rosales binanggit niya dito ang mga plano ng DA para sa mga magsasaka. Ilan sa mga ito ay ang pamamahagi ng mga kagamitang pansaka, pantanim, mga training, pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan, pagsusuri ng mga pangangailangan ng mga magsasaka, at paggabay sa marketing ng mga pangkabuhayan na ibabahagi ng kagawaran.

"Sinisimulan natin ang pag-capacitate sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng resources para sa paglinang ng kalupaan at kabuhayan ng mga magsasakang nakatira sa area," kanyang pagbabahagi.

Ipinangako naman ng Kalihim sa kanyang mensahe na handa ang ahenisya na tugunan ang mga pangangailangang gabay at kagamitang pansaka ng komunidad sa loob ng watershed.

"Nawa'y ang CADP ay maging inspirasyon sa atin upang ibahagi ang ating sarili sa paglinang at pangangalaga ng ating kalikasan. Gawin nating inspirasyon ang likas na ganda at yamang biyaya sa ating ng Mag-asawang Tubig upang tuparin ang ating obligasiyon bilang tagapangalaga ng ating kalikasan," dagdag pa niya.

Matapos ang pagbibigay ng mensahe ng iba't ibang ahensiya, pinirmahan ng mga kinatawan ang Memorandum of Agreement at ang Manifesto of Support para sa Convergence Area for Development. Nagkaroon din ng ceremonial awarding ng inisyal na interbensiyon mula sa DA para sa apat asosasyon. Ang mga ito ay apat na hand tractor at apat na pump and engine set. Namahagi rin ng Certificate of Land Ownership ang DAR sa ilang magsasaka na may dalang kumpletong dokumento.

Dinaluhan ang gawain ng mga kinatawan ng nasambit na ahensiya na sina DA OIC-RTD Dr. Nanette Rosales; DAR Regional Director Atty. Marvin Bernal; DAR Special Asst. For SSO Randy Forgosa, DENR Assistant Secretary Dr. Noralene Uy ng Policy, Planning and Foreign Assisted and Special Projects; DILG Division Chief Zaldy Masangkay ng Local Fiscal Resource Development Division, Victoria Municipal Mayor Joselito Malabanan, Provincial Administrator Dr. Hubbert Dolor, mga ilang kawani ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan, mga kapitan sa mga barangay ng Victoria, mga rice farmers association, mga presidente ng upland farmers association, mga katutubong magsasaka sa nasabing apat na barangay, at ilang mga samahan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.