News and Events

 Buwan ng Magsasaka at Mangingisda at anibersayo ng DA, matagumpay na ipinagdiwang sa kabila ng pandemya
Larawan ni DA MIMAROPA RED Antonio Gerundio habang nagbibigay ng mensahe sa mga dumalo mula sa mga bayan ng Calapan City, Puerto Galera, Bongabong, Basud at Baco

Buwan ng Magsasaka at Mangingisda at anibersayo ng DA, matagumpay na ipinagdiwang sa kabila ng pandemya

Dahil sa mahigipit na pagsunod sa tinalagang health protocol para sa pag-iwas sa COVID-19, matagumpay na ipinagdiwang ng Department of Agriculture – MIMAROPA Region ang Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda na may temang “May pandemya man o wala, Magsasaka at Mangingisda Maasahan ng Bansa”. Ito rin ay kasabay ng selebrasyon ng ika-123 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Ang buwan ng Mayo ay isang mahalagang buwan para sa magsasaka dahil ito ang panahon kung saan naghahanda sila ng kanilang sakahan para sa wet season planting at kapiyestahan ni San Isidro Labrador, ang santo ng mga magsasaka at mangingisda, kaya ito ang napiling buwan upang magbigay pugay sa  mga magsasaka at mangingisda na patuloy na nagbabanat ng buto  para sa pagkain ng lahat.

“Ating pasalamatan hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati na rin ang ating mga partners, we honor and acknowledge your contributions sa mandate ng kagawaran to assure the food supply of the country para lahat ay makakain,” wika ni DA MIMAROPA Regional Executive Director (RED) Antonio G. Gerundio.

Ayon kay RED Gerundio, pinapaabot ng DA Secretary William D. Dar ang taos puso niyang pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisda sa pagtulong sa kasampatan ng pagkain sa bansa.

“He’s very happy with our accomplishments for the past year especially this first quarter, napakalaki ng inangat ng production ng palay and other commodities,” dagdag ni RED Gerundio.

Hinikayat naman ni DA MIMAROPA Regional Agriculture Fisheries Council OIC Chairman at hinirang na Farmer Director para sa buwan ng Mayo na siJunior Supnet, ang mga magsasaka at mangingisda na patuloy magbukid at mangisda para sa bansa sa kabila ng mga isyung kinakaharap sa pagsasaka ngayon.

Pasasalamat rin ang nais ipahatid ng Center Director ng Agricultural Training Institute (ATI) na si Pat Andrew Barrientos na kinatawan ni Josephine Darm, Information Officer III, para sa mga magsasaka at mangingisda. 

“Sinubok po tayo at napatunayan natin na noong nagsimula ang pandemya ang mga magsasaka ang unang lumabas. Saludo po ang Kagawaran sa lahat ng magsasaka at pamilya o family farming na tumutugon sa ating mga pangangailangan,” pasasalamat ni Darm.

Tinalakay rin sa dalawang araw na aktibidad ang iba’t ibang programa ng kagawaran, bagong teknolohiya at mga problemang kinakaharap ng bansa sa agrikultura. Kabilang dito ang mga Update sa Fall Army Worm, African Swine Fever at KADIWA (Katuwang sa Diwa at Gawa) market linkages at mga kaalaman sa pests and diseases sa iba’t ibang pananim at hayop.

Maliban sa pagbabahagi ng mga kaalaman ay nagkaroon rin ng cooking demonstration ang Corn and Cassava Program, Research Division at Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC).

Mga nagawang produkto mula sa balinghoy, mais, adlai at kabute.

Itinampok ng Corn and Cassava Program ang kanilang corn gee at cassava cake. Samantala, ibinahagi naman ng Research Division ang paggawa ng adlai arroz caldo at ang kanilang adlai sweet cone na nagtamo ng karangalan no’ng nagdaang National Technology Forum sa Bureau of Agricultural Research.

Ibinahagi rin ng RIARC ang iba’t ibang putahe na maaaring gawin sa oyster mushroom. Kabilang dito ang paggawa ng ice candy, ice cream, tocino, lumpia, jam, bola-bola, pickles at tempura.

Larawan ng mga nakatanggap ng Handog Tulong Pasasalamat sa pangunguha ni RED Gerundio (pangatlo sa kaliwa), Agricultural Program Coordinating Officer Colleta Quindong (kaliwa sa likuran), OIC RAFC Chairman Supnet (pangatlo sa kanan) at Focal Person ng Rice at High Value Crops Development Program na sina Ma. Theresa Aguilar (kanan) at Corazon Sinnung (pangalawa sa kanan) at ilan pang empleyado mula sa DA MIMAROPA.

Naghatid rin ang DA MIMAROPA ng 80 bags na naglalaman ng bigas, itlog, sibuyas, bawang, kamatis, kalabasa, luya, kamote, saba, saging at munggo sa ilalim ng Handog Tulong Pasasalamat sa mga Magsasaka.

Ang dalawang araw na selebrasyon ay ginanap noong Mayo 27-28, 2021 sa DA-MIMAROPA Regional Office sa Calapan City, Oriental Mindoro na dinaluhan rin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Assistant Provincial Director ng probinsya na si Joey Aklan at City Agriculturist Lorelein Sevilla. Ito ay dinaluhan ng 23 katao mula sa mga bayan ng Calapan City, Puerto Galera, Bongabong, Basud at Baco alinsunod sa health protocol na ipinatutupad ng lalawigan.

Upang maibahagi rin ang selebrasyon sa ibang mga magsasaka at mangingisda at iba pang mga katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka ito ay inere din ng live sa opisyal na Facebook Page ng Kagawaran na DA RFO MIMAROPA. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.