SAN JOSE, OCCIDENTAL MINDORO – Php 897,000.00 halaga ng makinaryang pansakahan ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) sa dalawang asosasyon ng SAAD sa San Jose.
Ang Uyugan mga Ama sa Bato Ili As Fangabuyagan Farmers Association (UABF FA) na may 28 miyembro ay nakatanggap ng isang (1) unit ng hand tractor na may kumpletong accessories at ang So. Dulis Abong Salafay Hubkob Farmers Association (S. DASH FA) na may 50 miyembro ay nakatanggap ng limang (5) unit ng hand tractor na may kumpletong accessories. Ang dalawang asosasyon na binubuo ng mga buhid-mangyan ay nakatuon sa pagtatanim ng palay-kaingin (rainfed).
Ayon kay Jercel N. Catubig, SAAD Area Coordinator ng San Jose, napag-alaman mula sa profiling ng mga benepisyaryo na ang kanilang naaani sa kada taniman ay nasa 20 hanggang 30 kaban (1,000 hanggang 1,500 kilo) sa isang hektarya. Ito ay maliit kumpara sa karaniwang ani na nasa 100 kaban (5,000 kilo) kada hektarya.
Layunin ng programa na mapabilis ang paghahanda ng lupa upang tumaas ang produksyon ng palay ng mga magsasakang buhid-mangyan. Ayon sa mga katutubo, bumabagal ang paghahanda nila ng lupa para sa pagtatanim dahil umaasa lamang sila sa kalabaw pang-araro na nagiging dahilan upang bumaba ang kanilang produksyon.
“Nagpapasalamat kami sa natanggap naming [mga makinarya]. Iingatan namin ito para matagal naming magamit para makaabot kami sa tag-ulan [na mainam sa pagtatanim ng palay]. Makakaani na kami ng mas malaki-laki,” pasasalamat ni Balingling Payune, chairman ng DASH FA.
Ang DASH FA at ang UABF FA ay matatagpuan sa Barangay Monteclaro na isa sa mga End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na barangay sa Occidental Mindoro.
Source: Jercel N. Catubig, SAAD Area Coordinator, San Jose