Sa pamamagitan ng determinasyon, istratehiya, at kasanayan---isang magsasaka ang patuloy na nag-aalaga ng free-range chickens mula sa Department of Agriculture – MIMAROPA sa kabila ng mga hamong kinaharap sa pagpaparami nito.
Siya si Ginoong Francisco Raminto, 59 taong gulang mula sa Brgy. Mabuhay, Centro 1, Torrijos, Marinduque, at pangulo ng Mabuhay Isda Saka Farmers Association sa kanilang lugar.
Nabigyan siya ng Livestock Program ng 50 heads ng free-range chickens (40 dumalaga and 10 tandang) na native at rhode island at walong (8) sakong patuka sa ilalim ng Expanded Livestock and Poultry Production and Livelihood Project for Covid Response ng Bayanihan 1 noong Mayo 2021.
Ang programang ito ng kagawaran ay naglalayong tulungan ang mg magsasaka, lalo na ang mga naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID19, upang maparami at magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan at makakain.
Ang kanyang best practices o kasanayan ng pagpaparami ng manok ay iba sa nakasanayang sistema ng mga nag-aalaga nito.
“Napansin ko na hindi lahat ng rhode island ay naglilimlim. Madalas pangkain nalang namin ang itlog nito kaysa mabugok,” aniya.
Mabilis magparami ng itlog ang mga manok ngunit sayang ang itlog nito kung hindi mapapapisa kaya naisip ni G. Raminto na ipalimlim ang mga itlog ng rhode island sa mga native na manok. Sa kanyang pagpapalimlim ay gumagamit siya ng buri o pugad na gawa sa dahon ng niyog upang maiwasan ang pagkabugok.
Kapag napisa na ang mga itlog ay inililipat niya ito sa isang kulungan at nilalagyan ng ilaw, pagkain at bitamina. Pagkalipas ng dalawang (2) buwan ay inililipat na niya ito sa isang lugar upang mapaligawan.
Ang kanyang kulungan ay may sukat na 5x5metro at 100 square meter ang free-range area.
Dahil na rin sa mataas na presyo ng patuka pinapakain ni G. Raminto ang kanyang mga alagang manok, dalawang beses sa isang araw, ng feeds na may halong darak ng palay at tinadtad na dahon ng madre de agua, malunggay o ipil-ipil. Bukod sa makakatipid siya sa pagbili ng feeds, mas nagiging malusog pa ang mga alagang manok dahil sa sustansyang dulot ng mga legumes.
Sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapagbalik ng manok si G. Raminto dahil wala sa kanyang mga miyembro ang gustong mag-alaga nito dahil na rin sa kakulangan sa pambili ng patuka at walang maayos na kulungan.
Sa kabila nito ay bukas pa rin siya na ibahagi ang mga manok sa mga may gustong mag-alaga nito, miyembro man ng kanilang asosasyon o hindi.
Ang kanilang asosasyon rin ay napagkalooban ng incubator mula sa DA-MIMAROPA na nagkakahalaga ng Php 40,000.00. Ngunit dahil sa iregularidad sa suplay ng kuryente sa kanilang lugar ay hindi pa ito nagagamit. Karaniwang tatlo (3) hanggang apat (4) na oras ang interapsyon na lubhang makakasira sa mga itlog sakaling gamitin nila ito na walang back-up na generator.
“Bibili po ako ng dynamo na ikakabit ko sa motor ng water pump upang magamit na po namin at masuplayan ng permanenteng kuryente ang incubator,” sabi ni G. Raminto.
Taong 2021, katulad rin ng ibang nag-aalaga ng hayop sa kanilang lugar ay napeste rin ang kanyang mga alagang manok dahil na rin sa pabago-bagong klima. Sa 50 manok na binigay ng kagawaran ay 30 manok ang napeste.
“Pinalibutan ko agad ng sako bilang tabing ng kulungan. Kapag umuulan ay binababa ko ito at kapag mainit naman ay tinataas ko. Hindi rin ako nagpapapasok ng kung sinu-sino dito sa aming kulungan upang maiwasang mahawaan ang aking ibang alaga,” saad niya.
Sa kabila ng nangyaring ito ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa si G. Raminto. Patuloy pa rin siya sa pag-paparami ng manok. Katulong ang kanyang asawa at anak ay nabawi agad nila ang 30 manok na napeste at nakapagpasisiw ng humigit kumulang 200 na manok.
Sa kasaluyan ay nagbebenta siya ng itlog sa halagang Php 8 – 10.00 kada piraso o hanggang Php 300.00 sa bawat tray. Nakapagbenta na siya ng 15 tray ng itlog na katumbas ng 450 na piraso ng itlog. Ang mga itlog na inaabot na ng pitong araw ay nagiging pagkain nalang ng kanyang pamilya.
Nakapagbenta na rin siya ng 50 piraso ng manok. Karaniwan niya itong ipinagbibili ng Php 500.00 para sa tatlong manok base sa laki nito at kada kilo sa halagang Php 80.00 to 200.00. Sa kabuan ay kumita na siya ng humigit-kumulang walong libo sa pagbebenta ng manok.
“Malaking tulong po ang free-range chickens at feeds mula sa DA-MIMAROPA dahil dito kami kumukuha ng pagkonsumo at ito na rin ang nagiging source of income namin,” pasasalamat ni G. Raminto.
Ginagamit niya rin ang kanyang kita sa pagbili ng patuka at iba pang pangangailangan ng manok katulad ng bitamina at antibiotic.
Sa asosasyon nina G. Raminto ay nabigyan rin ang walo (8) pang miyembro nito ng parehong bilang ng manok at patuka. Sila ay nasa ilalim ng kasunduang magbabalik o magpapamahagi ng 75 na manok sa kanilang kapwa miyembro o maging sa hindi kasapi nito na gustong mag-alaga at magparami ng manok.