News and Events

Benteng Bigas Meron Na (BBM) Program, Umarangkada na sa Calapan: Murang Bigas hatid sa Marginalized Sectors
Kuhang larawan ng isang mamamili mula sa marginalized sector habang tumatanggap ng bigas na nagkakahalaga ng Php20 kada kilo sa CALSEDECO KADIWA Center sa Calapan City, bilang bahagi ng Benteng Bigas Meron Na (BBM) Program.

Benteng Bigas Meron Na (BBM) Program, Umarangkada na sa Calapan: Murang Bigas hatid sa Marginalized Sectors

CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO – Kabilang na ang Calsedeco Multi-Purpose Cooperative (MPC) KADIWA Center sa mga nagbebenta ng Php20 kada kilong bigas sa ilalim ng Benteng Bigas Meron Na (BBM) program na ipinatutupad bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.. Layunin nito na tiyakin ang food security, accessibility, at affordability ng pangunahing bilihin na bigas para sa mga mamamayang Pilipino.

Opisyal na nagsimula ang pagbebenta ng bigas sa nasabing center noong Mayo 17, 2025, partikular para sa mga miyembro ng mga tinatawag na marginalized sectors gaya ng persons with disabilities (PWDs), senior citizens, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga solo parents.

Ayon kay Heribert B. Qiualqiual, Manager for Business Development and Marketing Operations ng Calsedeco MPC, kinakailangan lamang magpakita ng valid ID ang mga benepisyaryo bilang patunay ng kanilang pagiging kabilang sa nabanggit na sektor. Para sa mga kinatawan o representative ng benepisyaryo, kailangang ipakita ang ID ng parehong kinatawan at ng mismong benepisyaryo.

Dagdag pa rito, ipinatupad din ang limitasyon sa distribusyon upang masiguro ang maayos at patas na pamamahagi ng bigas. Pitumpung (70) indibidwal lamang kada araw, mula Lunes hanggang Sabado, ang pinapayagang bumili, habang walang operasyon tuwing Linggo. Kapag lumampas sa itinalagang quota sa isang araw, ang mga hindi makakakuha ay bibigyan ng coupon na nagtatakda kung kailan sila maaaring bumalik upang bumili.

“Katulad ng guidelines na inilabas ng Department of Agriculture, pinapayagan lamang ang maximum na10 kilo kada transaksiyon, at hanggang 30 kilo kada buwan para sa isang household upang mabigyan din ng pagkakataon ang iba na makabili,” saad pa ni Qiualqiual.

“Ako po ay nagpapasalamat kay Pangulong Marcos sa pagbibigay ng pagkakataon sa aming mahihirap na makabili nitong Php20 na bigas. Malaking tulong po ito sa aming pamilya na minimum lang po ang kinikita. Maraming-maraming salamat po, Pangulo. Sana po ito ay magpatuloy at maabot pa ang ibang mamamayan,” ani ni Marichu Crael mula sa Brgy. Palhi, Calapan City.

“Sa bente pesos po, malaking tulong dahil 'yung iba pang pambili ng bigas ay maibibili pa namin ng pang-ulam. Kaya maraming-maraming salamat po sa Pangulo sapagkat nakaaabot sa amin ang inyong programa,” pahayag naman ni J.E. Villaflor ng Brgy. Pachoca, Calapan City.

Pinayuhan naman ang mga mamimili na magdala ng reusable shopping o eco bags at mga personal na gamit tulad ng tubig, pamaypay, at payong bilang paghahanda sa mahabang pila at matinding init ng panahon.

Ang Calsedeco KADIWA Center ay bukas mula 7:00 AM hanggang 7:00 PM tuwing Lunes hanggang Biyernes, at mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM tuwing Sabado at Linggo.

Sa pamamagitan ng BBM Program, layunin ng Department of Agriculture at ng mga katuwang na kooperatiba tulad ng Calsedeco MPC na mapalawak ang abot ng abot-kayang bigas sa mga Pilipinong higit na nangangailangan at matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain sa bansa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.