Sa tulong ng Department of Agriculture Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) isinasagawa ng DA-MIMAROPA Research Division ang proyektong “Support to mass propagation of Lakatan Banana, quality planting materials through mass propagation technique and protocol in Victoria, Oriental Mindoro.”
Nagkakahalagang P2,516,749.60 ang naaprobahang pondo ng DA-BAR para sa proyektong ito sa ilalim ng Resiliency Response Research Program na nagsimula noong July 2020 at gagawin hanggang December 2021.
“Ang research on Mass Propagation ay ginagawa na sa RIARC noon pa, gayunpaman mas makakatulong ang research project na ito upang madagdagan pa ang production ng saging na lakatan dahil tumaas ang demand dito at marami ang gustong magtanim,” pahayag ni APCO Coleta Quindong, Center Chief ng RIARC.
Ang target ng proyektong ito ay makapagproduce ng 40,000 na plantlets sa loob ng isang (1) taon na kanilang ibabahagi sa mga benepisyaryo ng proyektong ito. Bukod sa pagpaparami ng pantanim na lakatan, kasama rin sa programa ang pagpapatayo ng nursery at demo farm na gagawin sa DA-Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC), Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro.
Prayoridad na mabigyan ng magandang kalidad na pantanim ang mga magsasakang kasapi sa isang asosasyon, kooperatiba at mga katutubo sa Bulalacao at Roxas, Oriental Mindoro.
“Layunin ng proyektong ito na makapag-produce ng malinis at dekalidad na planting materials upang mapataas ang ani at kita ng ating mga magsasaka,” pagpapaliwanag ni Bb. Carmen Honrade, isa sa mga Project leader ng proyekto.
Kasama rin ni Bb. Honrade sa pamamahala ng proyekto si Ms. Catherine Eviota Castro.
Ang proyektong ito ay kasama sa suporta sa programa ng DA na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS), kung saan layunin nito na mapataas ang produksyon ng pagkain at magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng pagkain sa kabila ng pandemya.
“Salamat sa DA-Bureau Agricultural Research for making this project possible. Malaki po ang maitutulong nito sa pag-ani at karagdagang kita ng mga farmers,” ani ni Bb. Honrade.