Opisyal nang pinasinayaan ang Research and Development Administration and Product Development Center Building noong ika- 26 ng Hulyo, 2022 sa Palawan Research Experiment Station (DA-PRES) compound, Sta. Monica, Puerto Princesa City.
Ang bagong dalawang palapag ng DA- PRES Building ay may kabuuang sukat na 780 sqm na nasimulang gawin noong 2017 matapos maaprubahan ang proposal ng Research Division na magkaroon ng modernisasyon ng pasilidad ng DA upang mas maging moderno ang pagbibigay ng serbisyo sa mga kliyente lalo na ang mga magsasaka.
Ayon kay Gng. Librada Fuertes, Agricultural Center Chief ng DA PRES, nagmula ang pondo sa DA-Bureau of Agricultural Research para sa unang yugto na nagkakahalaga ng 15 milyong piso at sa Department of Budget and Mangement (DBM) naman para sa ikalawang yugto na nagkakahalaga ng 18 milyong piso.
“Ang unang Phase ng pondo ay galing sa DA-BAR matapos kaming gumawa ng proposal sa pagmo-modernize ng ating mga facilities. Ang ikalawang phase naman ng pondo ay nakuha matapos naming gumawa ni Ma’am Marilyn Silva (retired planning officer) ng proposal sa Tier 2 budget ng DBM. Kaya nagkaroon tayo ng pondo at ang sumobrang pera sa pondo ay ginamit sa pagpapasemento ng buong gusali at paggawa ng rift raft,” pagbabahagi ni Fuertes.
Ang bagong Research and Development Administration and Product Development Center Building ay mahahati sa dawang bahagi: ang unang palapag ay para sa opisina ng mga empleyado at ang ikalawang palapag naman ay ilalaan para sa mga pasilidad sa pagpoproseso ng value adding products gaya ng kasoy na pangunahing commodity ng probinsya; pasilidad para sa mga nagnanais pumasok sa pagnenegosyo; at pasilidad para sa product development at packaging.
Ang pasinaya ay dinaluhan ng mga kinatawan ng DA- MiMaRoPa sa pangunguna ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio CESO III, DPA; Regional Technical Director (RTD) for Research, Regulations, Admin and Finance Engr. Ma. Christine C. Inting; RTD for Operations Elmer T. Ferry, Ph.D; AMAD Chief Celso T. Olido, Ph.D; DA-PRES OIC- Livestock Resource Center Gomer Decano; Head, Dairy Production Development Center Ariel T. Colongon at Palawan 3rd District Rep. Edward S. Hagedorn.
Samantala, nakalikom naman ang DA-PRES sa pangunguna ni Gng. Fuertes ng 5 milyong piso mula sa opisina ni Cong. Hagedorn upang makapagpagawa ng covered court na maaari din magin multi-function hall na maaaring pagdausan ng mga training at seminar.