Matapos matigil ang produksyon dahil sa epekto ng El Nino, kaagad na bumawi ang Jolyn’s Vegetables and Fruits Association (JVFA) sa bayan ng San Jose, Romblon nang sumapit ang panahon ng tag-ulan. Kumita ang samahan ng Php 42,471 mula ika-18 ng Hulyo hanggang Setyembre sa pagtatanim ng mga gulay na nanggaling sa Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2.
Ikatlong linggo ng Mayo nang matanggap ng asosasyon ang 2,030 na pakete ng binhi ng iba’t ibang gulay mula sa programa. Kasabay ng pagdating ng mga gulay ay ang unti-unti ring pagsisimula ng tag-ulan, kaya’t agad na nagtanim ang grupo sa kanilang isang ektaryang gulayan. Nasa 110 pakete ng mga gulay na kinabibilangan ng okra, pipino, sitaw, patola, upo, kalabasa, ampalaya, kangkong, at siling panigang ang sunod-sunod nilang itinanim ng nasabing buwan.
Nagsimulang mag-ani ang JVFA mula sa kanilang mga tanim na sitaw at pipino noong ika-18 ng Hulyo. Sinundan ito ng iba pang mga gulay pagpasok ng Agosto hanggang Setyembre. Sa datos ng asosasyon, umani sila ng 1,131.3 kilo ng mga gulay habang nasa 1,013 kilo ang kanilang naibenta. Sanhi ito ng pagkakaroon ng mga reject o iyong hindi maaaring ibenta sa merkado. Binili ng kanilang mga suki na tindahan sa San Jose at mga residente ang mga ani mula Php 25 hanggang Php 100 kada kilo, depende sa umiiral na presyo ng bawat gulay sa kanilang bayan.
Iniipon muna ng JVFA ang kanilang kita habang hindi pa natatapos ang kanilang produksyon at patuloy ang pag-aani. Nagsisilbing kabahagi ng mga miyembro ang mga naiuuwi nilang gulay bilang pangkonsumo. Maliban sa mga nabanggit, may tanim rin silang kamatis, siling pula, at talong sa kasalukuyan, na inaasahan nilang higit pang magpapataas ng kanilang kita.
Sa mensahe ng bise presidente ng samahan na si G. Jolyn Oczon, lubos ang kanilang pasasalamat sa SAAD sa binigay nitong oportunidad na magkaroon sila ng proyekto. Nabuo aniya ang kanilang asosasyon dahil sa programa.
“Nagpapasalamat po kami sa SAAD, na kami po ‘yong napili na bigyan ng proyekto. Malaking tulong po ito sa tulad namin na magsasaka at nang dahil sa SAAD [ay] nakabuo kami ng grupo na handang magtulungan para mapaunlad namin ‘yong ibinigay na proyekto ng SAAD,” aniya.
Dagdag pa ni G. Oczon, “Makakaasa po kayo na amin pang pagbubutihin na mapangasiwaan ng husto ‘yong ibinigay ng SAAD na mga interventions sa aming grupo.”
Bagama’t nawalan ng produksyon noong panahon ng tag-init, hindi naman pinanghinaan ng loob ang samahan lalo pa at sakto anila sa panahon ng pagtatanim ang pagdating ng mga binhi mula sa SAAD. Maliban dito, binigyan rin sila ng mga kagamitan na malaki ang naitulong sa kanilang pagtatanim. Sa kasalukuyan, desidido ang grupo na magpatuloy sa kanilang produksyon kung saan, kasabay ng pag-aani ay ang umuusad na pagpapalawak ng kanilang taniman upang hindi masayang ang mga natanggap na binhi mula sa SAAD. Naghahanda na rin sila sakaling muling maranasan ang labis na tag-init sa susunod na taon sa pamamagitan ng maagang pag-iipon ng mga tubig gamit ang mga plastic drums na pinagkaloob rin ng programa. Ngayong taon, nakatanggap na ang JVFA ng mahigit Php213,000 na halaga ng mga interbensyon kasama ang mga plastic mulch at seedling trays.