News and Events

ASF Prevention and Control Plan, isinagawa sa Oriental Mindoro
Larawan ng naganap na pagpupulong sa Gloria, Oriental Mindoro matapos ang presentasyon ni Dr. Khristine Antigua (harapan) ng DA-BAI tungkol sa tungkulin at responsibilidad ng taskforce.

ASF Prevention and Control Plan, isinagawa sa Oriental Mindoro

Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) Bureau of Animal Industry (BAI) National African Swine Fever (ASF) Prevention and Control Program katuwang ang DA MIMAROPA Livestock Program at Provincial Veterinary Office (PVO) ng Oriental Mindoro ng Coordination Meeting ukol sa Preparedness Plan ng lahat ng Green Zones areas sa rehiyon.

Ang pagpupulong ay isinagawa sa mga bayan ng Naujan, Soccoro, Pinamalayan at Gloria noong Marso 14-17, 2022. Ang Oriental Mindoro ay pangatlo sa pangunahing probinsyang nagsusuplay ng baboy sa National Capital Region at ilang mga kalapit rehiyon. Ito rin ay kalapit probinsya ng Marinduque kung saan nagkaroon ng ASF noong Nobyembre 2021 kaya labis ang pag-iingat ng probinsya sa posibleng pagpasok ng ASF.

Layunin ng pagpupulong na pagtibayin at magbigay ng dagdag kaalaman ukol sa ASF, kilalanin ang mga kasapi ng taskforce at malaman ang iba't ibang tungkulin at responsibilidad nito upang magkaroon ng ibayong paghahanda sakaling makapasok ang sakit sa probinsya.

 Ayon kay Dr. Vida Francisco, ASF Regional Coordinator ng DA MIMAROPA, napakahalaga ng pagkakaroon ng sapat na kaalaman o impormasyon ng lahat ng miyembro ng taskforce. Gayundin, ang paghahanda sa Incident Command Center, facilities at equipment/supplies kung sakaling magkaroon ng outbreak.

"Maiiwasan natin ang pagkalat ng ASF sakaling makapasok ito sa probinsya sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapalaganap at pagpapatupad ng biosecurity measures sa mga farms at border control," saad ni Dr. Francisco.

Nilalayon din ng aktibidad na hikayatin pa ang ibang mga munisipyo na magkaroon ng ordinansang sa pagkakaroon ng taskforce at sa pagbabawal sa pagpasok ng baboy o iba pang produkto mula sa baboy. Layunin din nitong himukin ang mga magbababoy na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ipaseguro ang mga alagang baboy sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Ayon naman kay Dr. Anna Rochelle Bongalig ng PVO, sa kabila ng pagkakaroon ng Executive Order 200 at 230 series of 2019 na nagbabawal sa pagpasok ng baboy at mga produkto mula sa baboy sa probinsya, malaki pa rin ang pagsubok na kinahaharap nila ngayon dahil sa pagtaas ng online deliveries papasok sa probinsya.

"Patuloy pa rin ang ginagawa naming monitoring, surveillance at destruction ng mga nakukumpiskang pork meat products na itatangkang ipasok sa probinsya,” sabi ni Dr. Bongalig.

Hininakayat naman ni Dr. Alfredo Manglicmot ng PVO ang lahat na patuloy na himukin ang mga mamamayan na gumawa ng sariling produkto mula sa baboy katulad ng tocino at longganisa. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan pagbili ng produktong ito mula sa ibang probinysa o rehiyon at maiiwasan ang posibleng pagpasok ng ASF sa probinsya.

Kabilang din sa ginagawang preparasyon ng kagawaran ay ang nakalinyang information caravan. Ito ay nakaplanong isagawa sa lahat ng probinsya sa rehiyon upang mas maipakalat ang kaalaman tungkol sa ASF.

 "Lahat po tayo ay may magagawa upang mapanatili na ASF Free ang ibang probinsya ng MIMAROPA. Makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang masigurado ang pagpapatuloy at mabilisang askyon sa plano na nakahanda kasama ang Provincial, Regional at National ASF Taskforce," paalala ni Dr. Francisco sa mga LGUs.

Ayon naman sa Municipal Agriculturist ng Naujan, MA Raquelita Umali, magandang nagkaroon ng pagpupulong para sa preparasyon sa banta laban sa ASF kung kaya maglalaan ng pondo ang bayan upang makapagsagawa pa ng training ukol rito.

"Iimbitahan namin ang mga barangay officials, mga magsasaka at iba pang mga lider upang mas mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa ASF. Mabigat ang preparasyong ito at kailangan talaga natin itong paghandaan," sabi ni MA Umali.

Kasama sa nasabing aktibidad ang Local ASF Taskforce sa pangunguna ang kanilang Mayor bilang Chairman ng grupo, Municipal Agriculture Officers bilang Co-chair, Municipal Environment and Natural Resources Officers, Municipal Disaster Risks Reduction Management Officers, Philippine National Police at mga Barangay Biosecurity Officers.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.