News and Events

Apat na Kambing, pinagkaloob sa San Mariano FA ng Livestock Program ng DA-MIMAROPA
Opisyal na ipinagkaloob sa mga bagong may – ari ang dalawang pares ng native na kambing na pinalaki sa ilalim ng Philippine Native Animal Development Program o PNAD. Nasa larawan sina: (mula sa kanan) Livestock Program – Oriental Mindoro Provincial Coordinators Christine Joy Capuyan, Agriculturist II at Norma Pasumbal, Agriculturist II; Gng. Josephine Fabillar, benepisyaryo; Erwin Cayetano, animal caretaker; Reynald Insigne, San Mariano Farmers Association President; Gng. Celia Ciscar, benepisyaryo; at John Kurt Villacrusis, animal caretaker.

Apat na Kambing, pinagkaloob sa San Mariano FA ng Livestock Program ng DA-MIMAROPA

Calapan City, Oriental Mindoro – Apat (4) na native na kambing ang natanggap ng dalawang (2) miyembro ng San Mariano Farmers Association (SMFA) sa Brgy. San Mariano, Roxas, Oriental Mindoro, ika-17 ng Agosto sa pamamagitan ng livestock program ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA.

Labis ang pasasalamat nina Gng. Celia Ciscar at Gng. Josephine Fabillar sa tig-isang pares ng kambing na personal na inihatid sa kanila ng mga kawani ng tanggapan kasama ang pangulo ng SMFA na si G. Reynald Insigne.

Ipinaliwanag ni Oriental Mindoro Livestock Program Coordinator Christine Joy Capuyan kina Gng. Fabillar at Gng. Ciscar na maliban sa maayos at tamang pag – aalaga ng mga kambing, kasama rin sa responsibilidad nila ang magbahagi ng tig-isang pares ng kambing sa kapwa nila miyembro.

Ayon kay Christine Joy Capuyan, Agriculturist II at isa sa mga coordinators ng DA MIMAROPA Livestock Program sa Oriental Mindoro, ang mga nasabing hayop ay tugon sa kahilingan ng samahan upang mapagkalooban sila ng mga kambing na mapagsisimulan para maparami. Ito aniya ay naisakatuparan sa ilalim ng Philippine Native Animal Development (PNAD) program na nasa ilalim naman ng livestock program.

“Ipinagkaloob natin ito upang makatulong sa asosasyon, pero hindi tayo natatapos sa pagbibigay ng kambing.  Inaasahan namin na susundin nila ang kanilang responsibilidad bilang mga bagong may-ari ng kambing at maipagpatuloy ang naaayon sa kasunduan na may ibang miyembrong makikinabang,” paliwanag niya. 

Alinsunod sa nilagdaang kasunduan ng mga benepisyaryo, responsibilidad ng bawat isa sa kanila na magsalin ng isang pares ng kambing sa ibang miyembro. 

”Taos-puso kaming nagpapasalamat sa DA dahil sa mga programa nila, talagang napag – uukulan ng pansin ang ating mga magsasaka.  Sana ay hindi dito natatapos ang ayuda na natatanggap namin mula sa DA,” pasasalamat ni SMFA President Insigne.

Sinundan naman ito ng mensahe rin ng pasasalamat ng isa sa mga mag – aalaga ng kambing na si Gng. Ciscar,  “Marami pong salamat sa programa ng DA na binigay sa amin itong mga kambing,” aniya.

Nangako naman ang dalawang ginang na aalagaang mabuti at pararamihin ang mga kambing upang makapagbigay rin sa ibang miyembro ng samahan.

“Para maipagpatuloy ang proyekto ng DA, kailangan (silang) maalagaan, magawan ng kulungan para hindi maulanan, (mabigyan ng) malinis na tubig, pagkain, at huwag pabayaan para marami pang makinabang,” saad ni Gng. Fabillar na maybahay ni Leoncio Fabillar na siyang mismong miyembro ng SMFA.

Samantala, nakatakda namang mamahagi ng incubators ang livestock program ng DA MIMAROPA sa anim (6) na benepisyaryo sa Oriental Mindoro bilang bahagi pa rin ng pagpapatuloy ng interbensyong pinagkakaloob ng tanggapan sa iba’t ibang samahan ng mga magsasaka.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.