Umabot sa 900 na mga magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng Expanded SURE-AID Loan na nagkakahalagang P25,000 (bawat isa) mula sa Department of Agriculture-Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) noong July 27-30.
Ang bilang ng mga nakatanggap ay ang mga sumusunod: Magsaysay 100 magsasaka at mangingisda, San Jose-140, Calintaan-100, Rizal-100, Sablayan-150, Sta Cruz-100, Mamburao-70, Paluan-70, at Abra de Ilog-70. Ang kabuuang bilang ay siyang tinalang bilang na target para sa probinsiya.
Ang Expanded SURE-AID Loan o Survival and Recovery-Aid Loan ay isang programa ng Kagawaran upang tulungan ang mga maliliit na mga magsasaka at mangingisda na makaahon sa kanilang kabuhuyan sa pamamagitan ng pautang na maaaring bayaran sa loob ng 10 taon na walang kolateral at interes.
Mas pinaigting ang programang ito ngayong panahon na may pandemya upang mas maraming mga magsasaka ang matulungan. Kasama rin sa programa ang mga small and medium enterprise sa larangan ng agrikultura kung saan maaari silang umutang ng aabot sa P10-million na wala ring interes at kolateral.
“Alam ko noong nakaraang panahon, lalo noong December dinaanan tayo ng bagyo, may nakabinbin tayong utang, kaya hirap ang buhay natin. Kaya maganda naman na i-produce na yan, kahit papaano 10 yrs to pay naman without interest, kaya samantalahin natin ito. Malaki ang maitulong lalo na ngayon taniman ng palay.” mensahe ni Regional Executive Director Antonio Gerundio ng Department of Agriculture-MIMAROPA.
Sa kasalukuyan umabot na sa 2,381 na mga magsasaka at mangingisda at siyam (9) naman na maliliit na negosyo ang nakatanggap ng kanilang Sure-Aid Loan sa buong MIMAROPA.