Sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Saklaw Foundation Incorporated, at mga lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro, tumanggap ang 900 maliliit na magsasaka ng Calapan (300), Naujan (260), Victoria (112), Pinamalayan (88), Pola (40), at Bansud (100) ng tulong pinansyal na nagkakahalagang P25,000.00 mula sa Expanded Sure Aid and Recovery Project nitong July 30 – Agosto 12.
Alinsunod sa “Bayanihan to Heal as One Act” o Republic Act No. 11649, ang nasabing proyekto ay sa ilalim ng programang “Ahon Lakas, Pagkaing Sapat” o ALPAS sa panahon ng pandemya bilang pagtugon ng Kagawaran ng Pagsasaka sa mga suliraning pinansyal ng mga pili at kwalipikadong magsasakang nasa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Sa pamamagitan nito makakautang ang isang kwalipikadong magsasaka ng P25,000.00 na babayaran sa loob ng 10 taon nang walang interes at kolateral.
Sa ngayon, ay binigyan prayoridad ang mga magsasakang nagtatanim ng mga high value crops o sari-saring pananim na gulay at prutas matapos unang makatanggap ng tulong ang mga magsasaka ng palay. “Actually po, ang hinahanap din namin ay yung mga nasa high value, yun po ang unang mabenepisyuhan nitong Sure Aid (dito sa Oriental Mindoro),” mensahe ni Agricultural Program Coordinating Officer Coleta Quindong, “Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa ganitong pagkakataon dahil kung pupunta kayo sa pautangan, may interest na 3%, babayaran din kaagad,” dagdag niya.
Lubos itong ikinatuwa ng mga benepisyaryo tulad ni Ruel Sanchez na Pangulo ng Victoria Kalamansi Farmers Federation (VKFF) na nagpahayag ng kaniyang pasasalamat, “Malaking tulong po ito sa mga farmers kasi nadaanan kami ng dalawang bagyo, na-totally destroy ang aming mga halaman. Ito po ay magagamit namin sa pagbili ng abono at foliar para manumbalik uli ang sigla ng aming halaman.”
Isa ring nagpahayag ng kaniyang tuwa sa natanggap na tulong pinansyal ay si Felipe Aragon Jr. na isang retiro ng DA noong 2018 at isang magsasakang may tatlong hektaryang lupain ng sitrus, lanzones, rambutan, at mga gulayin sa Victoria, “Malaki ang maitutulong ng programang ito sa mga maliliit na magsasaka dahil unang-una, walang interes ang loan at saka very timely. Magagamit ito sa inputs like fertilizers, planting materials, at syempre, pang-labor cost.”
Nagbigay naman ng paliwanag si DA-ACPC Focalperson Trisha Marie Magadia ukol sa proseso ng pamimigay ng tulong pinansyal, “Hindi po direktang ACPC ang nagbibigay ng amount. Idinadaan po namin ito sa mga financial institutions tulad ng Saklaw Foundation.”
Ang Saklaw Foundation Incorporated ay isang microfinance non-government office (NGO) sa pangunguna ni Tagapangulo Fr. Jimson H. Ruga na naglalayong suportahan ang ekomoniya sa pamamagitan ng serbisyong panlipunan tulad ng credit assistance, oportunidad sa kababaihang negosyante, micro-insurance, educational scholarship, values formation, at iba pa.
Wika ni Saklaw Foundation, Incorporated Operations Manager Marvin Balgoma, “Bilang conduit ng DA-ACPC, ibigsabihin po ay ang pondo ay mula sa DA pero sa amin po pinangangasiwa at kami rin po ang maniningil.”
Kaniya ring binigyang linaw ang tatlong pahinang pangakong kasulatan ng pagbabayad ng utang patungkol sa kasunduan, pagnonotaryo, at iskedyul ng pagbabayad na nilagdaan ng mga benepisyaryo ng proyekto bago ang pamimigay ng tulong pinansyal.
Ayon kay Operations Manager Balgoma, dalawang beses sa isang taon ang pagbabayad ng utang kung saan babayaran ito sa ika-anim na buwan sa halagang P1,250.00. Kung tinanggap ito ng Agosto 2020, ang unang bayaran ay sa Pebrero 2021, ang kasunod naman ay muli sa Agosto 2021. Kung sakaling nakapagbayad na ng mas maaga, iyon na ang magiging kabayaran sa nasusunod sa iskedyul ng pagbabayad.
Idinagdag rin niya ang maaaring mangyari kapag hindi magbabayad ng utang sa kanilang tanggapan.
“…kayo po ay maba-blacklisted sa DA sa mga susunod na programa ng ACPC at ng SAKLAW sa tulong ng inyong MAO – kayo po ay hindi na muling mapapabilang sa kahit anong programa ng DA. Wala na pong susunod na ganitong programa ang ating pamahalaan kasi, yung perang maiipaikot pa namin na ipapahiram muli sa susunod na programa ay matitigil na dahil ang pera ay nasa sa inyo pa.”,kanyang pakiusap sa mga magsasaka.
Maaaring magbayad ng utang sa nakatalagang account officer sa sentro ng Saklaw Foundation, Incorporated sa mga barangay o direktang magbayad sa kanilang opisina sa mga nasabing bayan.
Pinapaalalahanan ng institusyon na bilang obligasyon ng benepisyaro sa programa, ang bawat isang makakatanggap ng pera ay marapat na ipapaalam ang pananagutan sa mga miyembro ng pamilya o kamag-anak kung sakaling hindi na niya ito mababayaran.