CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO – Siyamnapung (90) byahero sa Oriental Mindoro ang makatatanggap ng Food Lane Conduct Pass stickers ngayong taon kasunod ng pagsailalim nila sa oryentasyon hinggil sa Food Lane Program na ginanap noong ika-6 hanggang ika-8 ng Hulyo sa Calapan City.
Pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) MiMaRoPa ang tatlong araw na aktibidad kung saan 30 partisipante lamang ang pinayagang dumalo bawat araw bilang pag – iingat laban sa COVID – 19.
Ayon kay AMAD MiMaRoPa Chief Dr. Celso C. Olido, isa sa mga pangunahing kailangan upang makakuha ng food lane sticker ang pagdalo sa oryentasyon hinggil sa food lane program kung saan tinatalakay ang mga panuntunan at proseso ng akreditasyon nito; mga batas at polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagdaan sa mga lansangan ng Metro Manila; at iba pa.
“Dahil sa food lane, unhampered ang delivery ng mga produkto sa mga designated na linya at lugar, nababawasan ang delay at minimized ang post-harvest losses maging ang delivery time,” pahayag ni Dr. Olido.
Binigyang – diin rin niya na nagsisilbing proteksyon ng mga byahero ang food lane sticker sapagkat naiiwasan ang mga illegal na nangyayari sa daan. Ganunpaman, paalala niya sa mga drivers na hindi garantiya ang naturang food lane pass upang hindi sila mahuli kung mapapatunayang mayroon silang traffic violation.
“Sundin ang mga batas trapiko kasi alam natin ang violation o hindi, lagi po nating isipin na ‘yong food lane ay malaki ang maitutulong sa atin pero hindi po ito guarantee na abusuhin natin ang mga batas trapiko. Kailangan po talaga tayong sumunod para maging maayos ang pagdadala natin ng kalakal, ng pagkain sa Metro Manila at mga karatig lugar,” paalala ni Dr. Olido sa mga truckers.
Ang food lane program ay sinimulan noong 2017 sa pakikipagtulungan ng DA, Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at MMDA. Sa ilalim ng nasabing programa, may sariling linya sa mga designated na kalsada sa Maynila ang mga byaherong nagdadala ng mga piling produkto ng agrikultura at pangisdaan mula sa mga probinsiya na malaking tulong naman sa maayos at dire – diretsong delivery ng mga ito sa mga pamilihan sa Kamaynilaan.