News and Events

76 na nagtatanim ng mais sa Marinduque, nagtapos sa Farmers Field School
Pinangunahan nina OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting at Provincial Agriculturist Edilberto De Luna ang pagtatapos ng 76 na magsasaka ng mais sa Farmers Field School on Corn Production.

76 na nagtatanim ng mais sa Marinduque, nagtapos sa Farmers Field School

Pitumpu’t anim na mga magsasaka ng mais sa lalawigan ng Marinduque ang nagtapos sa Farmers Field School (FFS) on Corn Production sa isinagawang graduation ceremony, ika-17 ng Enero sa Boac, Marinduque.

Nag-aral ang mga magsasaka mula sa Brgy. Tawiran, Sta. Cruz (30), Brgy.  Dampulan, Torrijos (25), at Brgy. Tambunan, Boac (21) sa loob ng 16 na linggo na pag-usad ng FFS mula Hunyo hanggang Setyembre 2022. Kabilang sa kanilang mga pinag-aralan ang mga hakbang sa produksiyon ng mais mula sa paghahanda at pagpili ng mga tamang binhi hanggang sa pag-aani, paghahanda ng lupang pagtataniman ganon rin ang pamamahala ng mga peste at sakit.  Naisakatuparan ang nasabing pag-aaral sa inisyatibo ng Department of Agriculture MIMAROPA Corn and Cassava Program at sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lalawigan ng Marinduque sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist at ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng mga nabanggit na bayan.

Pinangunahan ni OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting ang pagtatapos ng mga magsasaka kasama si Provincial Agriculturist Edilberto De Luna.  Dumalo rin sa seremonya sina Sta. Cruz Municipal Councilor Revo Joshua Red at Boac Municipal Agriculture Officer Ederlinda V. Jasmin.

Mensahe nina OIC, RED Inting at PA De Luna sa mga magsasaka na gamitin ang kanilang mga natutunan sa FFS dahil malaking tulong ang mga makabagong istratehiya sa pagtatanim ng mais na itinuro sa kanila. Samahan din anila ng sipag, tiyaga at tibay ng loob ang pagtatanim lalo na sa mga panahong hindi maiiwasan ang mga pagsubok tulad ng mga kalamidad. Tiniyak rin ni OIC, RED Inting ang patuloy na suporta ng DA MIMAROPA sa mga magsasaka habang nagpasalamat naman si PA De Luna sa kagawaran sa mga tuloy-tuloy na interbensyon at programa na binibigay nito sa mga magsasaka. 

“Natutuwa po ako at talagang kayo ay natuto. Pero kailangan nating ma-upgrade ang ating mga nalalaman, sana ay inyo po itong gawin sa inyong lugar kahit ilang square meters lang muna kasi may libre naman po tayong binhi na nirequest ng province at pinamimigay natin sa mga munisipyo”, mensahe ni OIC, RED Inting.

“Salamat sa Department of Agriculture sa pag-aaral na ito. Mahalaga na mabigyang pagkilala ang inyong tatlong buwang pag-aaral at marami kayong natutunan. Ang challenge, isapraktikal natin ang ating natutunan dito sa three months na Farmers Field School na ito,” dagdag naman ni PA De Luna.

Isa ang 75 taong gulang na cancer survivor at dating Election Officer ng bayan ng Sta. Cruz na si Benito Fidelino sa mga nagsipagtapos at nagpasalamat siya sa DA MIMAROPA sa pagsasagawa ng FFS sa kanilang lalawigan dahil magagamit anila ang kanilang mga natutunan sa nasabing pag-aaral.

“Napakalaking bagay po ang dulot na binigay ng pag-aaral namin dito sa pagtatanim ng mais, bagama’t po ako ay bata pa na nagtatanim ng mais pero iyong mga itinuro sa amin ngayon na teknolohiya ay napakahalaga sapagkat kami noon ay basta tanim ng tanim, wala na pong ginagawa pero ngayon sa aming napag-aralan ay napakalaking bagay para lalong mapaunlad ang aming pagtatanim. Ang masasabi ko po sa Department of Agriculture ay maraming - maraming salamat po at kami ay ginabayan upang mapaunlad lalo ang pagtatanim ng mais na kailangang – kailangang (pagkain) maging sa hayop o tao”, aniya. 

“Simula po sa una ay hindi na ako nag – atubili na sumama sa training na ito dahil alam ko po na dito ay dadami ang aking kaalaman patungkol sa paghahalaman.  Ako po ay lubos na nagagalak at nagpapasalamat sa ganitong programa ng DA na isinagawa dito sa lalawigan ng Marinduque. Kami po ng aming mga kabarangay ay lubos na nagpapasalamat sa inyong walang sawang pagtulong sa aming mga magsasaka,” pasasalamat naman ni Marlon P. Revilloza, magsasaka mula sa Brgy. Dampulan, Torrijos.

“Ito po ay nakapalaking tulong para sa amin lalo na sa aming magsasaka dahil marami silang natutunan tungkol sa production ng pagmamais, nadagdagan ang kanilang mga kaalaman. Malaking tulong lalo na ang mga interventions na naibibigay ng pamahalaang nasyunal”, saad naman ni Anita Landoy, Provincial Corn Coordinator ng Office of the Provincial Agriculturist.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.