Umabot sa 7,359 na Mindoreño mula sa Oriental Mindoro ang nabigyan ng serbisyo ng Department of Agriculture – MIMAROPA sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na ginanap sa Oriental Mindoro National High School, Calapan City, ika-9 hanggang ika-10 ng Marso, taong kasalukuyan.
Mula sa kabuuang 39,257 na naserbisyuhan ng iba’t ibang ahensiya, nanguna ang DA-MIMAROPA sa may pinakamaraming taong naasistihan sa dalawang (2) araw na aktibidad. Sinundan ito ng Department of Social Welfare and Development at Department of Health.
Iba’t ibang serbisyo ang hinatid ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa mga magsasaka at publiko na nagtungo sa naturang fair. Kabilang na dito ang pagkakaloob ng High-Value Crops Development Program ng nasa 5,000 pakete ng butong pananim na gulay tulad ng kalabasa, talong, kamatis, okra, ampalaya, sitaw, at iba pa.
Katuwang naman ang Universal Storefront Services Corporation (USSC), tinatayang nasa 1,538 na magsasaka mula sa iba’t ibang bayan sa unang distrito sa Oriental Mindoro ang nabigyan ng Php 5,000.00 cash assistance na nagmula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).
Mayroon ring magsasaka ang sinamantala ang pagpaparehistro at pag-uupdate ng kanilang impormasyon sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at libreng konsultasyon at Civil Society Organization and RCEF accreditation na hatid naman ng Institutional Development Unit (IDU). Nagkaroon rin ng pamamahagi ng planting materials, IEC, at breeding calendar.
Bukod dito, may libreng serbisyo rin na handog ang Livestock Program para sa mga nag-aalaga ng baka at kalabaw tulad ng animal health consultation, estrus synchronization, at artificial insemination na ginanap sa Barangay Sta. Cruz at Canubing, Calapan City. Pinangunahan ito ni Livestock Focal Person Dr. Maria Teresa Altayo kasama ang kaniyang mga staff na kung saan tinatayang nasa 168 na alagang baka at kalabaw ang nabigyan nila ng mga nabanggit na serbisyo.
Samantala, sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez kasama sina Regional Technical Director for Operations Vener Dilig at Regional Technical Director for Research and Regulation Dr. Celso Olido, pormal ng iginawad ng mga ito sa Animal Raisers of Oriental Mindoro Association ang isang delivery truck na nagkakahalaga ng Php 2,500,000.00.
Bukod dito, kaisa rin ang DA – MIMAROPA sa nakibahagi sa KADIWA ng Pangulo na pinangasiwaan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD). Kabilang sa mga produktong ibinenta dito ay mula sa mga Young Farmers Challenge awardee, Papandungin Vegetable Growers Association, at Narra Agriculture Cooperative. Matapos ang dalawang araw na pagtitinda, may kabuuang halaga na 41,699 pesos ang partial na kinita ng mga ito.
Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay naglalayon na ilapit sa mga mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan upang ipaabot ang kanilang mga programa at proyekto na makakatulong sa iba’t ibang sektor ng lipunan.