Matapos ang matagumpay na Yellow Corn Derby Harvest Festival, 62 magsasaka ang ginawaran sa bilang pagtatapos sa Farmers Field School (FFS) sa bayan ng Sta. Cruz at Sablayan, Occidental Mindoro. Nagtapos ang 21 magsasaka mula sa Barangay Pinagturilan, Sta. Cruz, at 41 magsasaka mula sa Sitio Baloc-Baloc, Sablayan, matapos ang 16 na linggong pagsasanay sa produksyon ng mais na pinangunahan ng Corn Program ng Department of Agriculture (DA).
Ginanap ang graduation noong Marso 18 at 19 alinsunod sa direktiba ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director (RED) Atty. Christopher R. Bañas. Pinangunahan ang paggawad ng parangal ni National Corn Program Director Milo Delos Reyes, habang naging panauhing pandangal si dating DA-MIMAROPA RED Engr. Ma. Christine C. Inting.
Layunin ng programang ito na maipakita sa mga magsasaka ang epekto ng tamang distansya sa pagtatanim ng binhi ng mais at ang wastong paraan ng paglalagay ng abono upang makatipid sa gastos sa paglalagay ng inputs habang mapataas ang ani. Bukod dito, ang FFS Graduation ay nagsisilbing pagkilala sa pagsisikap ng mga magsasakang nag-aral ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng mais sa probinsya.
Ayon sa isang magsasakang nagtapos sa Sitio Baloc-Baloc, malaki ang naitulong ng FFS sa kanila dahil natutunan nila ang mga bago at mas angkop na teknolohiya sa pagtatanim ng mais. Nakita rin nila ang positibong epekto nito, dahil mas mataas ang kalidad ng kanilang ani kumpara noong hindi pa sila sumasailalim sa FFS.
Ang FFS ay isang proyekto ng Department of Agriculture na naglalayong ilapit sa mga magsasaka ang makabagong teknolohiya sa produksyon ng mais, pati na rin ang tamang pagtatala ng kita at gastos (recordkeeping) upang matukoy kung kumikita sila mula sa kanilang pananim.