News and Events

584M na halaga ng mga ayuda sa mga magsasaka at mangingisda, ibinahagi ng DA at mga kasamang ahensya sa pagbisita ni PBBM sa Pola, Ormin
Ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang mga kinatawan ng gabinete na pinangunahan nina (mula kaliwa) DWSD Secretary Rex Gatchalian, DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, Pola Mayor Jennifer Cruz, Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor at DTi Secretary Alfredo Pascual habang ibinibigay ang certificate of turn-over sa isang benepisyaryo ng programa ng DA.

584M na halaga ng mga ayuda sa mga magsasaka at mangingisda, ibinahagi ng DA at mga kasamang ahensya sa pagbisita ni PBBM sa Pola, Ormin

Umabot sa mahigit 584 milyong piso ang ipinaabot na ayuda ng pinagsamang puwersa ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Agricultural Credit and Policy Council (ACPC) kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro, ika-15 ng Abril, taong kasalukuyan.

Matatandaan nitong nakaraang ika-28 ng Pebrero ay lumubog ang oil tanker na MT Princess Empress na naging dahilan ng malawakang oil spill sa karagatan ng siyam na bayan ng Oriental Mindoro--- Pola, Naujan, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay, at Bulalacao.

Ipinahayag ng Pangulo sa kanyang mensahe na mayroon nang nagiging hakbang ang pamahalaan upang masawata ang oil spill na kumalat sa karagatan ng nasabing probinisya. Dagdag pa niya, malaki ang naitutulong ngayon ng bansang Japan at Amerika upang mabawasan ang epekto nito sa kalikasan at mga tao.

Isinaad din ng pangulo ang mga programa ng pamahalaan na makakatulong sa mga mangingisda sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magagamit bilang alternatibong pagkakakitaan at maaaring magamit kahit wala na ang epekto ng oil spill.

Sa kabilang dako, nakapagpamahagi ang DA-MIMAROPA ng mga makinaryang pansaka at postharvest facilities kagaya ng mga pumps and engine, four-wheel drive tractor, recirculating dryer, multi-cultivator, packing house facility, at hauling truck. Para naman sa pananim, nakapagpamahagi din ang tanggapan ng mga binhing pananim mula sa Institute of Plant breeding ng Univeristy of the Philippines-Los Baños,  mga organikong pananim katulad ng mga binhi ng organic black at brown rice. Sa panghahayupan naman, namahagi din ng mga baka, kambing, tupa at organikong manok na maaaring paramihin ng mga makakatanggap upang maging dagdag na pagkakakitaan. Ito ay may kabuuang halaga na umabot sa mahigit 499 milyong piso.

Samantala, ang BFAR ay nakapamahagi din ng mga interbensiyon na hihigit sa 25 milyong piso at 60 milyong piso naman mula sa ACPC na maaaring mapakinabangan ng 3,000 borrowers.

Kasabay din namahagi ang iba pang ahensiya ng gobyerno kagaya ang Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, at Department Trade and Industry ng kani- kanilang mga tulong sa mga mamamayan upang maibsan ang kanilang hirap na dinaranas dahil sa krisis na dulot ng oil spill.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.