Matagumpay na isinagawa sa Barangay Cantil, Roxas, Oriental Mindoro ang groundbreaking ceremony ng itatayong Rice Processing Center III para sa Roxas Farmers Agriculture Cooperative (RFAC) na pinondohan ng Department of Agriculture – MIMAROPA.
Pinangunahan ang aktibidad nina Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno, Regional Agricultural Engineering Division (RAED) Chief Annielyn Del Rosario, at 2nd District Congressman Alfonso Umali, Jr. kasama ang mga kinatawan mula sa Municipal Agriculture Office (MAO), Cooperative Development Authority (CDA) – MIMAROPA, Pamahalaang Bayan ng Roxas, at RAED staff.
Binasbasan ang itatayong proyekto ni Rev. Fr. Dan Falcutil na sinaksihan ng mga board of directors at miyembro ng nasabing koopertiba sa pangunguna ng kanilang chairman na si Mr. Moises Flores. Sa pangunguna pa rin ng mga nasabing opisyal, pormal ng iginawad sa samahan ang certificate of turnover ng naturang processing center kay RFAC Chairman Flores.
“Hindi namin inaasahan na agarang ipagkakaloob ito ng Department of Agriculture sa Roxas Farmers Agriculture Cooperative, ang proyektong ito ang magbibigay ng biyaya sa hanay ng magsasaka at mga Roxaseño,” ayon kay RFAC Chairman Flores.
Kabilang sa konstruksyon ng pasilidad na ito ay ang isang (1) unit na warehouse na may lawak na 1,000 sqm., multi-pass rice mill na may kapasidad na 1.5 tons, recirculating dryer (6 tons capacity), six (6) wheeler hauling truck, multi-crop drying pavement, at 75 KVA generator set na may kabuuang halaga na Php 50,000,000.00.
“Mahalin natin ang ipinagkaloob kahit walang puhunan at panatilihin, pagyamanin, at madagdagan pa pong yan,” bilin naman ni APCO Casareno sa mga miyembro ng RFAC.
Nangako naman si RFAC Chairman Flores na iingatan at palalaguin nila ang proyektong ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan upang hindi lang miyembro ng kanilang kooperatiba ang matulungan at makinabang nito kundi ang lahat ng magsasaka sa Oriental Mindoro.