Occidental Mindoro, October 27, 2023 – Limang (5) samahan na binubuo ng 115 na mga magsasaka sa bayan ng Looc, Occidental Mindoro ang sumailalim sa pagsasanay sa produksyon ng palay, mais, niyog, at pag-aalaga at pagpaparami ng mga baka at kambing sa ilalim ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2.
Nagsilbing mga tagapagsanay sina G. Jupiter Tividad, retired Provincial Corn Coordinator ng Office of the Provincial Agriculturist – Occidental Mindoro, G. Moises T. De Mesa, Bb. Camille B. Oblena, at Bb. Coleen G. Dimaranan mula sa Philippine Coconut Authority - Regional Office MiMaRoPa, Bb. Sonia Gallardo, kawani ng Occidental Mindoro Provincial Veterinary Office, at si G. Angelo Dionela, isang magsasaka sa nasabing lalawigan na bihasa naman sa produksyon ng palay.
Produksyon ng palay
Sa gitna ng iba't ibang hamon tulad ng pagbabago ng klima na nakakaapekto sa lokal na produksyon ng palay, itinuro ni G. Dionela ang konsepto ng PalayCheck System sa 25 magsasakang kasapi ng Samahan ng Magsasaka ng Ambil sa Brgy. Ambil.
Isang komprehensibong sistema at gabay sa pagpapalayan ang PalayCheck System, kung saan napapaloob ang mga pangunahing teknolohiya, kasanayan, at pamantayan sa tamang pamamahala ng mga tanim na palay lalo na sa harap ng mga hamon tulad ng pagbabago ng panahon.
Ang sistemang ito ay nakatuon rin sa mga pangunahing kasanayan pagkatapos ng anihan, kasama ang pagpapatuyo, paglilinis, at pag-iimbak ng palay. Nagsisilbi itong patnubay sa pagpili ng angkop na paraan ng pagpapatuyo upang mapanatili ang kalidad ng palay at maiwasan ang pagkasira, mabisang proseso sa paglilinis, at ligtas na paraan ng pag-iimbak. Ang PalayCheck System ay hindi lamang nagpapabuti sa kalidad at dami ng ani na palay kundi nakatutulong din sa pagpapanatili ng pang-ekonomiyang kalagayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapababa ng postharvest losses at pagtiyak ng pangmatagalang kakayahan sa produksyon ng palay.
Produksyon ng Mais
Sa tulong naman ni G. Tividad, nakatanggap ng pagsasanay sa produksyon ng mais ang 25 miyembro ng Samahan ng Magsasaka ng Balikyas sa Brgy. Balikyas.
Tinuruan niya ang mga magsasaka sa tamang paghahanda ng lupang taniman kabilang na ang tamang lalim at distansya ng mga mais, pagpili ng mga magandang klase ng binhi, epektibong pamamahala sa mga sakit at peste, pagpapataba at pagpapatubig, ganon rin ang pag-aani at post-harvest handling ng mga mais. Ang pagsasanay ay nagtapos sa on-site demonstration kung saan aktwal na natutunan ng mga partisipante ang tamang paghahanda ng lupa at wastong sukat ng lalim at pagitan ng bawat tanim na mais.
Produksyon ng Niyog
Sa pakikipag - ugnayan naman sa Philippine Coconut Authority (PCA) MIMAROPA, tinuruan ang 25 na magsasakang kasapi ng Samahan ng Magsasaka ng Kanluran sa Brgy. Kanluran sa produksyon ng niyog na pinangunahan nina G. Moises T. De Mesa, Bb. Camille B. Oblena, at Bb. Coleen G. Dimaranan.
Kabilang sa mga tinalakay ang Good Agricultural Practices (GAP) sa pagniniyog, mga benepisyo ng bawat bahagi ng nasabing puno, tamang pamamaraan sa pagtatayo ng nursery, mga angkop na field layout para matiyak na mapakikinabangan ang kabuuan ng lupa na may sapat na espasyo para sa salit-tanim at maging maganda ang pagsibol at pagbunga ng mga niyog, pagpili ng binhi, at pagpapanatili ng niyugan.
Produksyon ng Baka at Kambing
Bilang paghahanda naman sa mga proyektong may kaugnayan sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga hayop, sumailalim sa Specialized Training on Cattle Raising, Production, and Management ang Samahan ng Magsasaka ng Bulacan sa Brgy. Bulacan habang Specialized Training on Goat Raising, Production, and Management naman ang ibinigay sa Talaotao Farmers Association sa Barangay Talaotao, na parehong itinuro ni Sonia Gallardo, kawani ng Occidental Mindoro Provincial Veterinary Office. Binigyang diin niya sa pagsasanay ang mga tamang pamamaraan sa pag-aalaga ng baka at kambing, pagtukoy at paggamot sa mga sakit, pagbibigay ng angkop na tahanan at pagpapakain, at ang pagpaparami.
Isa si Lorelyn Villas, kalihim ng Talaotao Farmers Association, sa mga dumalo sa pagsasanay sa pag-aalaga ng kambing. Nagpahayag siya ng pasasalamat sa Department of Agriculture at sa SAAD program sa pagbibigay aniya ng kaalaman at pangangailangan nila para magkaroon ng dagdag na hanapbuhay.
“Pinasasalamatan po namin ang mga taga-SAAD dahil kami po ay nabigyan ninyo ng dagdag kaalaman kung paano pauunlarin ang aming samahan at ganon din po sa pangangalaga ng aming magiging proyektong kambingan, kung paano namin ito mapangangalagaan ng maayos. Salamat din po sa Department of Agriculture sa pagtugon sa aming pangangailangan para magkaroon ng hanapbuhay,” saad ni Villas.
Samantala, patuloy ang proseso ng mga pamamahagi ng mga interbensyon sa ilalim ng mga nasabing proyekto sa bayan ng Looc kung saan hangad ng SAAD MIMAROPA na makumpleto ang mga pagkakaloob ng mga ito na may kabuuang halaga na Php5,419,486 bago matapos ang taong kasalukuyan.