Calapan City, Oriental Mindoro – Mas magiging madali na ang pagbababa ng mga produkto mula sa kabundukan ng mga katutubong magsasaka na miyembro ng limang (5) farmers association sa Oriental Mindoro dahil sa natanggap na hand tractor na may heavy duty trailer mula sa Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K's) - MIMAROPA.
Kinabibilangan ang mga benepisyaryong samahan ng Tau - Buhid Bago Agriculture Cooperative (TBC) sa bayan ng Pinamalayan; Kapit Bisig na Samahan ng mga Manggagawang Mangyan para sa Kaunlaran (KASAMAKA) sa Naujan; Samahang Kababaihan Hanunuo Mangyan - Banti (SAKAHAMA – BANTI) sa Bulalacao; Buhid Farmers Association (BFA) sa Bongabong; at Malanggatan Iraya Paranawan Kakuyanan, Inc. (MIPKI) sa bayan ng San Teodoro.
Bukod sa malaking tulong sa sakahan ang nasabing makinarya, umaabot rin sa isang tonelada ang kapasidad ng trailer nito na magagamit naman ng mga magsasaka sa pagbiyahe ng kanilang mga produkto mula sa bundok at paghahakot ng mga gamit sa kanilang mga taniman mula sa kapatagan.
“Malaki po ang maitutulong nito sa amin kasi sa halip na kami ay magbungkal ng aming sakahan buong araw, dito po ay makakatipid kami sa oras. Malaki ang pasasalamat namin na napagkalooban kami ng tractor na ito para hindi na mahaba ang panahong gugugulin namin sa pagsasaka,” mensahe ni Winifredo A. Evangelista, Chairman ng MIPKI, ang huling samahan na nakatanggap ng hand tractor noong ika-18 ng Hunyo sa Brgy. Poblacion, San Teodoro.
Sinaksihan ni San Teodoro Municipal Agriculturist Renato Yabes ang pagkakaloob ng naturang makinarya sa asosasyon.
“Malaking tulong ito sa paglalabas ng kanilang produkto dahil double function ito, puwedeng pagkatapos sa farming, magagamit iyong trailer para naman magbaba sila ng produkto nila,” ani MAO Abes. “Bigyan nila ng diin ang pagtangkilik sa mga programang binibigay ng DA para naman ang mga serbisyong binibigay ng ating pamahalaan ay hindi masayang,” dagdag pa niya.
Samantala, maliban sa hand tractors, namahagi na rin ang 4K’s MIMAROPA ng 19 na kalabaw sa lima (5) ring samahan ng mga katutubong magsasaka mula sa mga bayan ng Mansalay (Lumunan sa Brgy. Panaytayan); Bongabong (Buhid Farmers Association); Bansud (Arufudan mga Buhid Sis Magod); Gloria (Samahan ng mga Pinagpalang Tau – Buhid/Sek na Famanyun); at Naujan (Kapit Bisig na Samahan ng mga Manggagawang Mangyan para sa Kaunlaran); habang 15 kambing naman ang ipinagkaloob sa bayan ng San Teodoro (Malanggatan Iraya Paranawan Kakuyanan, Inc). Upang matiyak na maaalagaan at mapararami nila ang mga natanggap na hayop, sumailalim ang mga benepisyaryo sa Cultural Management, Production and Marketing Training kasabay ng mahigpit na tagubiling bawal ipagbili o katayin ang mga ito.
Ang Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K's) ay isang programa ng Kagawaran ng Pagsasaka na nakatuon sa pagbibigay ng ayuda sa mga katutubo upang tulungan silang maiangat mula sa kahirapan sa pamamagitan ng mga produktibong programa at proyektong pangkabuhayan at pangkaunlaran.