Nagbahagi ng 40 na baka ang Department of Agriculture- MiMaRoPa sa pamamagitan ng turnover ceremony sa mga miyembro ng Kabalikat sa Diyos at Bayan (KaDBayan) Multi-Purpose Cooperative sa Odiongan, Romblon noong ika-26 ng Hulyo.
Ang nasabing mga baka ay isang proyekto ng DA-MiMaRoPA Livestock Program upang maparami ang produksiyon ng mga baka sa probinsya.
Ang turn-over ay pinasinayaan ng Sangguniang Panlalawigan ng Romblon sa pangunguna ni Gob. Jose Riano na kinatawan ni Engr. Roger Q. Fodra, Odiongan Mayor Trina Firmalo- Fabic, Agricultural Program Coordinating Officer Renie Madriaga, Engr. Annaliza Escarilla ng DA-MIMAROPA, OIC-Municipal Agriculturist Rexford Famisaran, Engr. KaDBayan Chairman of the Board Allueramy Musca, Agricultural Technician Pj Montoya, Farmer Technician Alejandro Solis, Jr., BOD member Nicasio Fiedacan, at KADBAYAN MPC Project Operations Manager Erickson Fiedacan.
Ayon kay G. Lito F. Romero, isa sa mga benepisyaryo ng 2 heifer (dumalagang baka), malaking tulong sa kanila ang kanilang natanggap na mga baka para sa pag-aaral ng kanyang mga anak.
“Nagpapasalamat po ako sa Department of Agriculture dahil makatutulong po ito sa pamumuhay namin. Malaki ang magiging kita namin pag naparami namin at naipamahagi na ang mga baka sa mga kasamahan namin,” aniya.
Isa ring nakatanggap ng dalawang (2) heifer si Gng. Lolita Guray na nagpapasalamat din sa kaniyang natanggap. Aniya, makatutulong ng malaki sa kanilang pamumuhay ang natanggap nilang mga baka.
“Makatutulong na din kami sa aming mga kapwa magsasaka sa pamamagitan ng dispersal ng mga magiging anak ng baka namin,” dagdag niya.
Malaking pasasalamat din ng kanilang operations manager na si G. Erickson Fiedacan dahil sa kanilang natanggap na mga baka. Aniya, talagang malaki ang tulong para sa kanilang kooperatiba ang ganitong proyekto ng Department of Agriculture dahil malawak pa ang lupain nila para sa pagbabakakahan dahil karamihan sa lupain nila ay hindi matataniman ng palay, ito rin ay karagdagang kita para sa kanila.
Sa kasalukuyan, patuloy ang sinusubaybayan ng Kadbayan MPC ang mga bakang natanggap nila sa tulong na rin ng DA-MiMaRoPa upang maalagaan ng tama at masiguro na hindi magkakasakit ang mga baka.