Umabot sa 325 sako ng binhi ng palay-bundok o upland rice na may bigat na 20 kilo bawat isa at may kabuuang halaga na P291,200 ang pinamigay sa tatlong (3) asosasyon sa mga Bayan ng Naujan, Mansalay, at Baco, Oriental Mindoro sa ilalim ng programang Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks) MIMAROPA nitong Oktubre.
Kabilang sa mga benepisyaryong asosasyon ang Kapit-bisig na Samahan ng mga Manggagawang Mangyan para sa Kaunlaran (KASAMAKA) sa Brgy. Caburo, Naujan na tumaggap ng 100 sako ng binhi; Lumunan sa Barangay Panaytayan (LBP) mula sa Panaytayan, Mansalay na may 100 sako rin; at Kaagapay at Lingkod na Gaganap para sa Asam na Pag-unlad (KALINGAP) na binubuo naman ng mga magsasaka mula sa Brgy. Baras at Sitio Bungahan, Brgy. Lantuyang, Baco na binigyan ng 125 sako.
“Layunin po ng DA at ng 4Ks program sa pamamahaging ito na mabigyan kayo ng mga libreng binhi na inyong pararamihin upang hindi na kayo bumili pa ng mga palay-bundok na inyong itatanim. Inaasahan po namin na ito’y inyong pagyayamanin hanggang sa kayo’y kumita at makapagbahagi ng binhi sa iba pang kapwa ninyo magsasaka,” mensahe ni Vince Gladerick Abejo, Project Development Officer I ng 4Ks Program sa Oriental Mindoro.
Bagama’t sa susunod na taon pa makapagtatanim ang mga katutubo dahil katatapos lamang ng kanilang pag-aani, labis pa rin ang kanilang pasasalamat sa Kagawaran ng Agrikultura at sa 4Ks Program sapagkat may mga binhi na anila silang magagamit sa susunod na panahon ng taniman.
“Kami po ay nagpapasalamat sa programang 4Ks sa kanilang pagbibigay ng binhi ng upland rice. Ito ay malaking tulong po sa amin na mapaunlad [ang aming sakahan] at makapagbahagi kami sa iba,” pasasalamat ni Agyon Radyon, pangulo ng LBP.
“Pinaaabot ko ang pasasalamat ng aming grupo tungkol diyan sa mga binhi dahil isa rin sa problema namin lalo na nitong nakaraang anihan ay masyadong maulan, hindi [kami] makapagpatuyo ng palay kaya walang binhi. Ngayon [ay] nagbigay naman itong mga tumutulong [na tanggapan] tulad ng DA kaya ipinapaabot ko talaga ang malaking pasasalamat ng aming grupo bilang magsasaka ng tribong Alangan,” saad naman ni Kap. Cenon Pongkok ng Brgy. Lantuyang.
Samantala, magkakaroon rin ng communal farm sa lugar ng mga benepisyaryo na magsisilbing model farm ng komunidad kung saan naglaan ang 4Ks Program ng tiglilimang (5) sako ng binhi para itanim sa mga ito.
“Buhay na po namin ang pagtatanim ng palay kataasan, napakalaking tulong po nito dahil sa panahon ngayon ay paunti nang paunti ang aming mga binhi sa kataasan. Sa kabutihang-palad at sa magandang lapat ng programa para sa mga katutubo ng DA ay nabiyayaan po kami ng 100 sako ng upland rice. Ito po ay malaking tulong talaga sa buhay at kabuhayan namin, maraming-maraming salamat po,” pahayag ni Vicente P. Sara, pangulo ng KASAMAKA.
Bago ang pamamahagi ng mga nasabing upland rice seeds katuwang ang mga agricultural technicians ng bawat bayan, nagsagawa ang 4Ks Program ng serye ng mga pagsasanay hinggil sa pagtatanim, pamamahala, at pagbebenta ng palay bundok upang mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga katutubong magsasaka sa pagtatanim nito tungo sa pagkakaroon ng mataas na ani at masaganang kita.