News and Events

300 Pakete ng mga Binhi ng Gulay mula sa DA MIMAROPA, Ipinagkaloob sa Buhay sa Gulay Project ng DAR MIMAROPA
Malugod na tinanggap ni Engr. Isagani Placido, PARPO II kasama ang iba pang katuwang ng Buhay sa Gulay Project ang mga binhi ng gulay mula sa DA – MIMAROPA sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program ng kagawaran.

300 Pakete ng mga Binhi ng Gulay mula sa DA MIMAROPA, Ipinagkaloob sa Buhay sa Gulay Project ng DAR MIMAROPA

CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO - Tatlong daang (300) pakete ng mga binhi ng iba’t – ibang uri ng gulay ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) MiMaRoPa sa kaunaunahang Buhay sa Gulay project ng Department of Agrarian Reform (DAR) MiMaRoPa na inilunsad sa Brgy. Lalud, Calapan City, Oriental Mindoro, ika-9 ng Hulyo. 

Ipinaabot ni APCO Coleta C. Quindong ang pagbati at pasasalamat ni RED Antonio G. Gerundio sa paglulunsad ng Buhay sa Gulay project sa rehiyon ng MIMAROPA.

Itinurn – over ang mga nasabing binhi nina Agricultural Coordinating Program Officer Coleta C. Quindong bilang kinatawan ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio at High Value Crops Development Program (HVCDP) Regional Coordinator Corazon Sinung.  Malugod namang tinanggap ang mga ito ni Engr. Isagani Placido, Provincial Agrarian Reform Program Officer II kasama ang iba pang mga katuwang sa programa.

Pinasalamatan ng opisyal ang DA MiMaRoPa at ang lahat ng sumuporta sa Buhay sa Gulay project.  Dalawampu’t limang (25) residente ng barangay na pawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang gagabayan sa pagtatanim ng mga gulay sa may 5,000 square meters na loteng ipinahiram ng Apostolic Vicariate of Calapan na pinamumunuan ni Apostolic Administrator Very Rev. Fr. Nestor J. Adalia. Layunin ng proyekto na turuan ang mga residente sa pamamahala ng gulayan, paggawa ng organikong pataba, at palakasin ang kampanya ng pagtatanim ng gulay sa komunidad lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Nasa 5, 000 m2 ang lawak ng lupang lilinangin ng 25 residente ng Brgy. Lalud, Calapan City, Oriental Mindoro upang taniman ng samu’t saring uri ng gulay kasabay ng pag – aaral sa paggawa ng organikong pataba mula sa dumi ng mga manok.

“Ito pong Buhay sa Gulay ay magsisilbing modelo ng isang gulayan project.  Tayo ay pwedeng bigyan ng pagkain sa isang araw o isang linggo ngunit ito po ay mauubos kaagad, pero kung patuloy po tayong magtatanim, susustinahin natin ang ating mga proyektong paggugulayan ay buong buhay po na tayo ay magkakarooon ng supply ng gulay, pagkain para sa ating lahat, para sa ating kalusugan, para sa ating kaunlaran,” mensahe ni PARPO II Placido.

Ipinaabot naman ni APCO Quindong ang pagbati ni RED Gerundio sa DAR MiMaRoPa sa paglulunsad ng naturang proyekto sa rehiyon.

“Napakaganda ng ginawa ng DAR MiMaRoPa dito sa Brgy. Lalud. Ipinararating po ng aming Regional Executive Director ang pasasalamat sa paghahatid ninyo ng ganitong tulong,” ani APCO Quindong.  Ibinahagi din niya na bukas ang KADIWA MiMaRoPa para tulungan silang magbenta ng kanilang mga aning gulay nang direkta sa mga mamimili.

Samantala, naging tampok na bahagi rin ng programa ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) ng mga nagsidalong kinatawan ng iba’t – ibang tanggapan, institusyon, at samahan ganunrin ang paggawad ng mga farm equipment sa mga Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBO) sa Oriental Mindoro.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.