News and Events

2nd Provincial Hybrid Derby Demonstration, idinaos sa Oriental Mindoro
Matagumpay na idinaos ang ikawalang (2) Provincial Hybrid Techno Demonstration sa pangunguna ng Department of Agriculture MIMAROPA katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist ng Oriental Mindoro, Municipal Agriculture Office ng Bansud, seed companies, at ang 28 farmers cooperators.

2nd Provincial Hybrid Derby Demonstration, idinaos sa Oriental Mindoro

Mahigit 46 na ektaryang palayan na tinaniman ng 23 na iba’t ibang barayti ng hybrid seeds ang bumida sa 2nd Provincial Hybrid Derby Demonstration sa mga Barangay ng Alcadesma at Proper Tiguisan, Bansud, Oriental Mindoro, ika-20 ng Setyembre.

Nilahukan ng 28 farmer cooperators at 10 seed companies ang aktibidad na sinaksihan naman ng higit 300 magsasaka mula sa Lungsod ng Calapan at walong (8) bayan ng lalawigan kasama ang mga kinatawan mula sa City at Municipal Agriculture Office. Ang mga kalahok na kompanya ay ang SL Agritech Corporation, Longping, Leads Agriventures, Bioseed, Bayer, SeedWorks, Tao Seed Company, Syngenta, Corteva Agriscience, at Green and Grow Teknologies, Inc.

Layunin ng Hybrid Derby Demonstration na inorganisa ng Kagawaran ng Pagsasaka – MiMaRoPa katuwang ang Pamahalaang Lalawigan ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), Municipal Agriculture Office (MAO) ng Bansud, at mga seed companies na ipakita sa mga magsasaka ang mga barayti ng hybrid seeds na naangkop sa probinsiya at maaaring magbigay ng mataas na ani. Mula sa 23 barayti, pipili ng lima (5) na may pinakamataas na produksiyon na isasama sa libreng pamamahagi ng mga hybrid seeds ng ahensiya.

Pinangunahan ang pagbubukas ng aktibidad nina DA MiMaRoPa OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting; Operations Division Head at Rice Program Regional Focal Person Ma. Theresa S. Aguilar; Dept. of Agriculture Sr. Technical Adviser Santiago R. Obien; Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno; Engr. Venerando Sanchez bilang kinatawan ni Provincial Agriculturist Christine Pine; at Engr. Sonny Boy Manato, Municipal Agriculturist ng Bansud. 

Pinaliwanag ni OIC, RED Inting sa kanyang mensahe na ang derby na ito ay pagpapakita at pagtuturo ng mga dapat na pangangalaga at tamang pagtatanim ng hybrid na binhi upang makamit ang mataas na ani at kita.  Ayon din sa kanya, malalaman ito kapag lahat na nakaani at nakolekta na ng ahensiya ang mga datos. Mula dito pipiliin ang limang barayti na may pinakamagagandang ani na magbibigay ng mataas na kita.

“Sa lahat po ng nagbigay diyan ng demonstration, ang itatanong natin ay iyong production cost and at the same time ilang cavans ang maaani sa isang ektarya. Kapag po nabili, magkano po ang balik na kita sa atin, iyon po ang pinakamaganda at hinihintay nating data. So antabayanan po natin yan, kasi lahat (ay) hindi pa naman nakakapagharvest, at dito po tayo pipili  ng top 5 sa kanila na may magandang hybrid variety and at the same time kasama po (sa titingnan) iyong production cost at lalong lalo na iyong ROI (return of investment),” bahagi ng mensahe ni OIC, RED Inting. 

Hinikayat rin niya ang mga magsasaka na mag-update ng kanilang datos sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ugaliing makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan hinggil sa mga programang ibinababa ng DA para sa mga magsasaka.

Ibinahagi naman ni Operations Division Head at Rice Program Regional Focal Person Aguilar na ang aktibidad ay bilang pagtalima rin sa atas ng DA na subukan ang mga barayti ng hybrid seeds bago bumili at ipamahagi sa mga magsasaka.

“Kaya ginagawa po natin ito on a regular basis dahil nagsusulputan ang mga bagong varieties (ng hybrid seeds) at requirement ng Department of Agriculture bago tayo magprocure na kailangan ay nai-trial natin siya dito or nai-demonstrate natin. Ika nga, to see is to believe, kaya eto sila, nagdederby sila,” saad niya. 

Isa naman si Albino Perez, taga Brgy. Proper Tiguisan sa mga farmer cooperators ng derby.  Aniya, ngayon lamang siya nakapagtanim ng hybrid at nakikita aniyang maganda ang magiging ani niya dito.

“Dahil ngayon lamang po ako nakapagtanim ng hybrid, sa tingin ko po ay mas kikita ngayon dahil kita ko po sa tayo ng palay, marami po silang suhi at saka malaki ang pagkauhay ng hybrid. Nagpapasalamat po ako sa DA at talagang kami po ay sinusuportahan nila sa pagtatanim, nariyan rin ang mga technician at binibigyan kmi ng payo kung ano ang magandang gawin sa pagbibigay ng gamot at abono” pahayag niya.

Samantala, dumating rin at nagpahayag ng patuloy na suporta sa mga magsasaka at sa mga programa ng Kagawaran sina Gov. Humerlito A. Dolor, Vice Governor Ejay Falcon, at Bansud Municipal Administrator Jimmy R. Rivera bilang kinatawan ni Mayor Ronaldo Morada at ilang bokal ng segunda distrito ng Oriental Mindoro.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.