Tinanggap na ng 23 miyembro ng Animal Raiser Association of Socorro (ARAS) ang mga inahing baka na nagmula sa Livestock Program ng Department of Agriculture – MIMAROPA sa ilalim ng proyektong Livestock Economic Enterprise Development Program on Cattle Production katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Socorro.
Pinangunahan ni Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno at Municipal Mayor Nemmen Perez ang pamamahagi ng mga baka sa mga natukoy na benepisyaryo kasama si Provincial Veterinarian Dr. Grimaldo Catapang ng Provincial Veterinary Office, mga kinatawan ng Livestock Program sa pangunguna ni Oriental Mindoro Livestock Coordinator Christine Joy Capuyan at kawani ng Municipal Agriculture Office.
May kabuuang halaga na Php 862,500.00 ang naipagkaloob na baka sa mga benepisyaryo ng nasabing asosasyon na nagmula pa sa Masbate. Naglalayon ang interbensyon na pataasin ang lokal na produksyon ng baka sa naturang munisipalidad at bigyan ng karagdagang kita at oportunidad na trabaho ang mga miyembro ng samahan.
Dahil ang livelihood ang isa mga pangunahing agenda ng kaniyang administrasyon, sinegundahan ni Mayor Perez na malaking katulungan aniya ito sa kaniyang mga mamamayan.
“So, ito po ay maganda para sa ating mga taga-Socorro ang paghahayupan. Nasabi ko nga po, alam ko naman na ‘yong kukuha nito ay tiyak na mapapangalagaan at mapaparami ito. Maliban po sa sipag, kailangan ay may kalakip din pong dasal,” mensahe ng alkalde.
Sa kabilang banda, lubos naman ang pasasalamat ng mga miyembro ng ARAS na nakatanggap ng mga inahing baka kabilang na ang presidente ng samahan na si Edwin Alido.
“Maraming-maraming salamat po sa Department of Agriculture. Sa kabutihan nila ay marami kaming miyembro ang napagkalooban ng baka,” ayon kay Association President Alido.
Bukod dito, umaasa pa rin ang nasabing samahan na marami pa silang interbensyon na matatanggap mula sa kagawaran upang higit pang umunlad ang kanilang asosasyon.
Binigyang-diin naman ni APCO Casareno sa mga benepisyaryo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng endorsement letter sa tulong ng MAO at Pamahalaang Bayan.
“Lahat po ng mga programa ng Department of Agriculture, ay lahat po yan ay letter of intent based. Hihilingin niyo sa pangunguna po ng MAO at ng ating mayor at yung kanilang sanggunian na i-endorso ito sa DA. Iyan po ang kahalagahan ng pagrerequest dahil lahat po kayo ay may aantayin,” aniya.
Samantala, makalipas ang dalawa hanggang tatlong taon, inaasahan din na manganganak at magkakaroon ng 23 guya ang mga baka na siyang ipamamahagi naman sa mga panibagong benepisyaryo ng proyekto.