News and Events

210 na mga Katutubong Magsasaka sa Mindoro, Sumailalim sa Pagsasanay Hinggil sa Pagtatanim ng Upland Rice
Larawan ng mga naganap na Training on Cultural Management, Production and Marketing of Upland Rice sa mga bayan ng Sta. Cruz, Paluan, at Magsaysay, Occidental Mindoro, ika-22 hanggang ika-24 ng Hunyo, 2021.

210 na mga Katutubong Magsasaka sa Mindoro, Sumailalim sa Pagsasanay Hinggil sa Pagtatanim ng Upland Rice

CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO – Dalawang daan at sampung (210) mga katutubong magsasaka sa Oriental at Occidental Mindoro ang binigyan ng mga karagdagang kaalaman at kasanayan sa produksyon ng upland rice o palay bundok sa isinagawang serye ng mga pagsasanay hinggil sa pamamahala, pagtatanim at pagbebenta nito sa pangunguna ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks) MiMaRoPa na ginanap sa magkahiwalay na araw noong ika-23 hanggang ika-24 ng Hunyo at ika-29 ng Hunyo hanggang ika-2 ng Hulyo.

Layunin ng aktibidad na linangin ang kaalaman at kasanayan ng mga katutubong magsasaka sa pagtatanim ng palay bundok upang tumaas ang kanilang ani at magkaroon ng dagdag na kita.  Kabilang sa mga binigyang diin sa pagsasanay ang pagkilala at tamang paraan ng pagtatanim ng upland rice, pagsugpo ng mga peste at sakit nito ganundin ang siyam na puntos na kailangang tandaan sa ilalim ng Palay Check o ang mga gabay sa pagpapalayan tungo sa masaganang ani at mataas na kita.  Ang nasabing gawain ay isang paraan rin ng 4Ks MiMaRoPa upang ihanda ang mga benepisyaryo sa pagtatanim ng ipagkakaloob nilang kalidad na binhi ng upland rice mula sa Kagawaran ng Agrikultura. 

Hindi rin pinalampas ng mga katutubong magsasaka sa Oriental Mindoro ang pagkakataong matuto sa upland rice farming nang dalhin ditoo ang pagsasanay, ika-29 ng Hunyo hanggang ika-2 ng Hulyo.

Unang ginanap ang naturang pagsasanay sa lalawigan ng Occidental Mindoro, ika-22 hanggang ika-24 ng Hunyo na dinaluhan ng mga magsasaka mula sa limang (5) samahan na kinabibilangan ng Livelihood Association of Minorities in Siapo (LAMIS), Siapo Farmers Association, Inc. (SIFASI), at Alangan Mangyan Kabataan Farmers Association (AMAKAFA) mula sa Sta. Cruz; Anduyanan Anggatan Iraya Magsandak Pamagnon Association (ANIMAPA) ng Paluan; at Gubatnon Pundasyon Asosasyon ng Malutoc Incorporated Development (GUPAMID) galing naman sa bayan ng Magsaysay, Occidental Mindoro.  Personal na pinangunahan nina 4Ks MiMaRoPa Focal Person Dr. Nex D. Basi at 4Ks Procurement Officer Edelma Edelyn G. Laguerta ang aktibidad habang naging mga pangunahing tagapagsanay naman ang mga Agricultural Technicians na sina Henry B. Sualog ng Sta. Cruz Municipal Agriculture Office; Lester Evangelio ng Paluan Municipal Agriculture Office; at sina Darwin B. Soberano at Jerbert N. Langcaon ng Magsaysay Municipal Agriculture Office.

“Ang 4Ks Program ay para sa mga katutubo upang iangat ang inyong pamumuhay. Kaya lahat po ng benepisyaryo ay mga katutubo. Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na iangat ang pamumuhay ng mga kababayang katutubo sa pamamagitan ng ibat ibang suportang pang-agrikultura,” ani Dr. Basi.

Umarangkada naman ang pagsasanay ng 120 na katutubong magsasaka sa Oriental Mindoro mula ika-29 Hunyo hanggang ika-2 ng Hulyo. Mula sila sa Samahang Kababaihan Hanunuo Mangyan – Banti (SAKAHAMA – Banti) sa Bulalacao; Tau – Buhid Bago Agriculture Cooperative (TBC) ng Pinamalayan; Kapit Bisig na Samahan ng mga Manggagawang Mangyan para sa Kaunlaran (KASAMAKA) mula sa Naujan; at Malanggatan Iraya Paranawan Kakuyanan Inc. (MIPKI) sa San Teodoro.

“Malaking tulong po ito sa amin, parang umangat na rin ‘yong aming kabuhayan at aming kaalaman kapag may ganitong pagsasanay, nagkakaroon ulit (kami) ng bagong kaisipan kung paano mapaunlad ang aming pagsasaka,” ani Sanny I. Uybad, pangulo ng Pinagkausahan Hanunuo sa Daga Ginurang (PHADAG), ang Indigenous People Organization (IPO) na nakasasakop sa SAKAHAMA – Banti.

“Ito po ay angkop na angkop sa amin, ito po ang pinaka-angkop sa kultura at kabuhayan po naming mga katutubong tribu Tau – Buhid, talagang saludo po kami (sa inyo) at maraming salamat po,” mensahe naman ni Job Lusnawan, pangulo ng Tagfasadi Fagayu Tau – Buhid (TFT), ang IPO kung saan naman nabibilang ang TBC.

Isa - isang tinugon ni 4K’s Procurement Officer Edelma Edelyn G. Laguerta ang mga katanungan at ipinaabot na pangangailangan ng mga IP farmers sa pagsasaka ng upland rice.

Personal na dinaluhan ni 4Ks Procurement Officer Edelma Edelyn G. Laguerta ang training sa bawat bayan sa Oriental Mindoro habang nagsilbing tagapagsanay sina Vince Gladerick C. Abejo - 4Ks Project Development Officer I; Atoy B. Manday - 4Ks Admin Assistant II; John Aldrich R. Vinzon - Agricultural Technician ng Municipal Agriculture Office - Pinamalayan; at Eric Banlugan - Agricultural Technician mula naman sa Municipal Agriculture Office – Naujan.

“Sana po tayo ay maging isa sa pagpapaunlad ng kabuhayan kasi po kapag tayo ay maganda ang samahan at nakita na maganda rin po ang naging resulta ng pagbibigay sa inyo ng proyekto, ang gobyerno po ay walang sawang tutulong sa inyo,” mensahe ni 4Ks MiMaRoPa Procurement Officer Laguerta sa mga kalahok ng naturang pagsasanay.

Samantala, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa laban sa COVID-19, tatlumpung magsasaka lamang kada araw ang inimbitahang dumalo sa pagsasanay.  Nakatakda naman ang distribusyon ng quality traditional upland rice seeds sa mga benepisyaryong IP farmers’ associations sa Mindoro ngayong ikatlong kwarter ng taon.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.