Iginawad ng Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA (DA-MIMAROPA) sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ang Onion Cold Storage sa Lourdes Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa Brgy. Mapaya, San Jose, Occidental Mindoro.
Ang Onion Cold Storage ay nagkakahalaga ng 20M at may kakayahang magtabi ng 10,000 pirasong bag ng sibuyas na may bigat na 25-27 kilo.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng HVCDP sa ilalim ng kanilang post-harvest facilities established funds. Bilang counterpart sa proyektong ito, ang Lourdes MPC ay ang gagastos sa operating and maintenance cost ng facility at kailangan din na mayroong handing three-phase electrical power source. Ang Lourdes MPC din ang naghanda ng 1,000 sqm na lupa para sa pagtatayuan ng cold storage at 200 sqm naman para sa loading/unloading area at parking.
Ang pagpapatayo ng Onion Cold Storage na ito ay upang mapahaba pa ang buhay ng mga sibuyas at maitabi ang kanilang mga naaning sibuyas hanggang sa tumaas na ang presyo nito sa pamilihan. Ninais ng Lourdes MPC na maipatayo ang cold storage sapagkat naranasan ng ilan sa kanilang mga miyembro na ibenta ng mababa ang kanilang mga naaning sibuyas dahil kung hindi ay baka mabulok lamang ito.
Labis ang pasasalamat ng Lourdes MPC sa proyektong kanilang natanggap. “Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa DA sa tulong na ito. Dahil po sa cold storage na ito ay masisiguro po naming hindi kami malulugi sa pagbebenta ng aming sibuyas. Maraming salamat po at pinapangako po naming na iingatan at pagyayamanin naming itong cold storage na ito”, ani ni G. Nilo Bayudan, chairman ng Lourdes MPC.
Hinamon naman ni Dir. Antonio Gerundio ang mga miyembro ng Lourdes MPC na patuloy pang paunlarin ang kanilang kooperatiba. “I challenge the members of the Lourdes Multi-purpose cooperative to continue learning. Huwag kayong matakot na mag-aral, umattend pa sa mga training para mas mapataas pa natin ang kalidad ng ating serbisyo at mga produkto”, hamon ni Dir. Gerundio
Siniguro naman ng Lourdes MPC na ang proyektong ito ay hindi lamang mapapakinabangan ng kanilang mga miyembro kundi pati na rin ang mga magsasaka sa karatig na mga lugar. “Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa DA sa pagbibigay sa amin ng cold storage na ito. Ang proyektong ito ay hindi lamang po magagamit ng aming kooperatiba pero ito din po ay ipapagamit naming sa mga magsasaka dito sa San Jose. Kaya po kami nagre-request ng ganitong mga projects ay upang makatulong din sa mga magsasaka sa buong Occidental Mindoro”, paniniguro ni G. Necy Devero, manager ng Lourdes MPC.
Ang programang ito ay pinangunahan ng DA-MIMAROPA sa pamumuno ni Regional Director Antonio G. Gerundio, RTD for Research and Regulations Engr. Ma. Christine Inting at OIC Operations Chief Corazon Sinnung. Ang unveiling of wall marker naman ay pinangunahan ni RED Gerundio kasama si Congresswoman Josephine Sato at Lourdes MPC Chairman Nilo Bayudan.