Dumalo at nakilahok ang mahigit 100 na katutubong Mangyan at 100 na katutubong magsasaka sa Palawan sa taunang selebrasyon ng National Rice Awareness Month.
Ginanap ang selebrasyon sa magkahiwalay na lugar. Ang para sa mga Mangyan ay ginanap sa Regional Integrated Agriculture Research Station (RIARC), Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro noong ika-23 November at ang para sa mga katutubong magsasaka ng Palawan ay ginanap sa bayan Aborlan, Palawan noong ika-26 ng November.
Ang programa ay may temang “Be RICEponsibly Healthy” na naglalayong bigyang kamalayan ang publiko sa tamang pagkonsumo ng bigas na hindi nakakasama sa kalusugan. Layunin din nitong isulong ang patuloy na pagtangkilik sa bigas mula sa mga lokal na magsasaka.
"Ito rin ang nagsisilbing paalala sa ating lahat na dapat nating pangalagaan ang ating kalusugan lalo na ngayong panahon ng pandemya," wika ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Binasahan ng Palawan.
Nagkaroon ng panunumpa ng Panatang Makapalay bago nagsalu-salo ang higit sa 100 mga Mangyan sa lugaw na may nilagang itlog na inihanda ng grupo. Habang ang mga katutubong magsasaka sa Aborlan naman ay nakatanggap ng sari-saring pagkain gawa sa bigas katulad ng puto, kutsinta at kakanin.
Bukod rito, nakatanggap din 100 bag na naglalaman ng tig 3 kilong bigas, noodles, patis at hiwalay na drawstring bag at t-shirt ang ipinamigay sa bawat Mangyan. Samantala, nakatanggap naman ng tig-apat (4) na kilong bigas ang mga katutubong magsasaka ng Palawan.
“Kami po ay nagpapasalamat sa DA MIMAROPA lalo na ngayong panahon ng pandemya at malapit na ang kapaskuhan. Napakalaking bagay po nito para sa amin sapagkat to po ay maagang pamasko na,” pasasalamat ni Kapitan Lito Padiwan ng Sitio Lagpan, Brgy. Villa Serbesa, Victoria, Oriental Mindoro.
Samantala, nagkaroon rin ng sabayang panunumpa ng Panatang Makapalay ng lahat ng kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA noong November 8, 2021. Matapos nito ay namigay rin ng iba’t ibang klase ng IEC collaterals at pagkain gawa sa bigas.
Sa pangunguna ng APCO Coleta Quindong ng Oriental Mindoro , APCO Binasahan, at Regional Agriculture and Fisheries Information Section Head na si Gng. Baby Clariza M. San Felipe ay masayang nagtapos ang selebrasyon sa dalawang probinsya.