News and Events

200 kilo ng mga pananim na sibuyas, pinagkaloob sa 420 magsasaka sa Bulalacao
Masayang tinanggap ng mga magsasaka ang mga pananim na sibuyas na pinagkaloob ng DA - HVCDP katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pangunguna ni Gov. Humerlito Dolor.

200 kilo ng mga pananim na sibuyas, pinagkaloob sa 420 magsasaka sa Bulalacao

Dalawang daang (200) kilo ng mga pananim na pulang sibuyas na nagkakahalaga ng P694,000 ang pinagkaloob sa 420 magsasaka sa bayan ng Bulalacao sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) kamakailan.

Pinangunahan ang pamamahagi ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Coleta C. Quindong bilang kinatawan nina DA MiMaRoPa Regional Executive Director Antonio G. Gerundio at HVCDP Regional Focal Person Corazon O. Sinnung kasama si HVCDP Oriental Mindoro Coordinator Arjay Burgos, Agriculturist II at katuwang ang Pamahalaang Lalawigan ng Orienal Mindoro sa pangunguna ni Governor Humerlito Dolor ganonrin ang Bulalacao Municipal Agriculture Office.

Pinapakita ng mga magsasaka ang mga natanggap na pananim na malaking katulungan anila upang makatipid sila sa gastusin sa pagtatanim.

Bahagi ng regular na programa ng HVCDP ang taun – taong pamimigay ng mga ayudang pananim na sibuyas sa iba’t ibang asosasyon ng mga magsasaka ng nasabing bayan.  Layunin nito na tulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang kanilang gastusin partikular sa pagbili ng mga gagamiting pananim kaya naman labis ang pasasalamat ng mga tumanggap ng nabanggit na interbensyon.

“Nagpapasalamat kami sa Department of Agriculture at sa HVCDP sa mga interventions na aming natanggap lalo na sa panahon ng pagtatanim ng sibuyas.  Alam naman natin na napakamahal ng mga binhi na nabibili natin sa merkado kaya para sa aming magsasaka ay napakalaking tulong na mayroong ganitong interventions,” pahayag ni Jojie Narciso, Vice – Chairman ng BATAFA at kasalukuyang Municipal Agriculturist Fishery Council (MAPC) Chairman.

Nagpaabot rin ng mensahe ng pasasalamat si Bulalacao Sustainable Agriculture Farmers Association (BSAFA) President Lucy S. Rondael sa Kagawaran ng Pagsasaka.

“Lubos po kaming nagpapasalamat sa programa ng Department of Agriculture, sa DA MiMaRoPa sa pangunguna ni Regional Executive Director Antonio Gerundio at sa HVCDP. Sa pamamagitan po ng DA, kami ay nagkaroon ng binhi ng sibuyas na pantanim at ito po ay malaking tulong sapagkat ang iba pong magsasaka ay hindi makabili ng binhi dahil sa sobrang mahal,” ani BSAFA President Rondael.

Sa kaniya namang mensahe, kinilala ni Gob. Humerlito Dolor ang mga programa ng Department of Agriculture para sa mga magsasaka sa lalawigan at hangad aniya ang masaganang ani ng mga magsisibuyas sa Bulalacao.  Pinuri rin nito ang kalidad ng sibuyas mula sa nasabing bayan na higit aniyang malasa kaysa sa iba.

Ang Bulalacao ang kinikilalang onion and garlic capital ng Oriental Mindoro at inaasahang sa buwan ng Marso hanggang Abril ay magsisimula nang mag – ani ang mga sibuyas at bawang ang mga magsasaka dito.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.