Calapan City, Oriental Mindoro – Dalawampung (20) mga pampublikong eskwelahan sa Oriental Mindoro ang pinagkalooban ng garden tools at iba’t ibang binhi ng gulay sa ilalim ng programang Gulayan sa Paaralan ng Kagawaran ng Pagsasaka – Rehiyon ng MIMAROPA sa pamamahala ng High Value Crops Development Program (HVCDP).
Kabilang sa proyektong ito sa Oriental Mindoro ay walong (8) paaralan sa Lungsod ng Calapan: dalawa (2) sa bayan ng San Teodoro; apat (4) sa bayan ng Gloria; dalawa (2) sa Bongabong; at apat (4) rin sa bayan ng Roxas na pawang tumanggap ng tig – iisang roll ng plastic mulch; limang (5) seedling trays; isang roll ng blue twine; dalawang (2) roll ng plastic straw; isang roll ng G.I. wire; isang pandilig na may kapasidad na anim (6) na litro; dalawang (2) hand sprayers na may kapasidad na isa at kalahating litro; dalawang (2) pala; isang kalaykay; isang asarol; at iba’t ibang binhi ng gulay. Umaabot sa P200,000.00 ang kabuuang halaga ng mga ipinamigay sa mga eskwelahan.
Sa Calapan City, opisyal na tinanggap nina Mayor Arnan C. Panaligan at City Agriculturist Lorelein Sevilla ang mga garden tools at mga binhi na kanila namang kaagad na ipinagkaloob sa mga school heads.
Malugod na tinanggap ng mga school heads ang mga interbensyon mula sa DA MIMAROPA kasunod ang pangakong iingatan ang mga ito at aalagaan ang proyektong gulayan sa kani-kanilang paaralan.
“Kahit ang mga bata ay nasa bahay, walang face-to-face (classes), kailangan din nating tutukan ang kanilang nutrition at iyan ay mangyayari kapag sila ay may access sa tamang pagkain partikular ‘yong mga gulay. Maraming maraming salamat sa Dept. of Agriculture sa suporta nila sa City Government of Calapan sa pagtataguyod ng mga mahahalagang programa sa larangan ng agriculture partikular ‘yong high value crops production,” mensahe ni Mayor Panaligan.
“Sasamantalahin na po namin ang pagkakataon na makapagpasalamat sa DA MIMAROPA sa lahat ng mga naibahagi na interventions sa Calapan City hindi lang sa palay, sa mga abono kungdi maging sa mga gulayan, gano’n din sa mga planting materials kung saan ay pinakikinabangan ng mga mamamayan ng Calapan partikular ng mga magsasaka,” dagdag ni City Agriculturist Sevilla.
Bagamat wala pang pisikal na klase, tiniyak ng mga school heads na maitatayo ang mga gulayan sa kani – kanilang paaralan sa pagtutulungan ng mga guro at mga magulang. Hindi anila masasayang ang mga interbensyon na natanggap nila mula sa DA.
“Ako, sampu ng walong (8) paaralang tumanggap ng ayuda mula sa Dept. of Agriculture MIMAROPA sa pamamagitan ng City Agriculture Office at City Government of Calapan ay lubusang nagpapasalamat para sa binigay nilang ayuda sa amin. Napakalaking tulong nito upang kami rin sa pamamagitan ng mga paaralan ay makapag – ambag ng tulong sa mga magulang at mga mag – aaral. Maraming maraming salamat po,” pasasalamat ni Principal Dennis dela Torre ng Nag-iba National High School.
Samantala, nagpaabot rin ng pasasalamat ang iba pang benepisyaryong eskwelahan sa DA MIMAROPA gaya ng B. T. Lazaro Memorial School sa Barangay San Isidro, Roxas.
“Ang pamunuan po ng B. T. Lazaro Memorial School ay buong pusong nagpapasalamat sa DA MIMAROPA sa aming natanggap na mga tools and seeds. Dahil po dito, ang pagpapaunlad po ng aming gulayan sa paaralan ay mapapadali na po at kapag ito ay lumaki ay marami po ang makikinabang,” ani Eric T. Gabayno, EPP Coordinator ng eskwelahan.
Inaasahan naman na iingatan ng mga paaralan ang mga natanggap na gamit at magiging matagumpay ang kani – kanilang Gulayan sa Paaralan.
Bawat paaralan ay tumanggap ng set ng garden tools at mga binhi na may kabuuang halaga na P10,000.00.
“Sana po itong pinamigay na ito ay inyong ingatan, magkakaroon po ng monitoring dyan kasi ido-document namin ‘yan, kung anong nangyari doon sa Gulayan sa Paaralan Program. Sana po maging maayos po itong programang ito ng DA in collaboration po with DepEd at local government,” pahayag ni Arjay Burgos, Agriculturist II at MIMAROPA HVCDP Coordinator sa Oriental Mindoro.
Pinasalamatan naman ni DA MIMAROPA Field Operations Division OIC at Regional HVCDP Focal Person Corazon O. Sinnung ang mga lokal na pamahalaan at paaralan sa pagtanggap sa programa gano’n din ang mga guro at magulang sa walang sawang suporta sa agrikultura.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng LGUs at mga school officials sa pagtanggap ng programang Gulayan sa Paaralan. Tayo ay nasa panahon ng pandemya at walang face to face na schooling pero hindi ito naging hadlang para maipatupad ang nasabing program,” aniya.
Dagdag pa ng opisyal, “Ang layunin nito ay maturuan ang mga mag aaral sa production ng masustansyang gulay, mapataas ang pagkain nito at magkaroon ng dagdag na kita. Hiling lang namin ay mabigyan kami ng datos ng kanilang maaani para masabi namin sa publiko na may kita sa paggugulay.”
Inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka ang Gulayan sa Paaralan Program upang mapalakas ang kampanya sa pagtatanim ng mga gulay sa mga komunidad kasama na ang mga eskwelahan at makatulong sa produksyon ng pagkain ng mga mamamayan. Isandaang (100) pampublikong paaralan ang benepisyaryo ng programa sa buong MIMAROPA