News and Events

17, 543 budded calamansi seedlings, pinamahagi ng HVCDP sa dalawang bayan sa OrMin
Tiniyak nina Victoria Kalamansi Farmers Federation President Ruel Sanchez (kaliwa) at Samahang Maghahalaman ng San Jose President Luisito Fulgencio (kanan) na kaagad ipamamahagi ang mga natanggap na budded calamansi seedlings upang maitanim ng mga magsasaka.

17, 543 budded calamansi seedlings, pinamahagi ng HVCDP sa dalawang bayan sa OrMin

Bilang pagtalima sa hangarin ni Department of Agriculture Secretary William Dar na palawakin ang mga taniman ng calamansi sa Oriental Mindoro, namahagi ang High-Value Crops Development Program ng 17,543 budded calamansi seedlings  na may kabuuang halaga na P719,263.00 sa mga bayan ng Victoria at Bongabong, Oriental Mindoro kamakailan.

Tinanggap ng Victoria Kalamansi Farmers Federation (VKFF) sa Brgy. San Cristobal, Victoria ang 10,000 pananim habang ang natitirang 7,543 seedlings ay pinagkaloob naman sa Samahang Maghahalaman ng San Jose sa Brgy. San Jose, Bongabong.

Ayon kay Arjay Burgos, Agriculturist II at Provincial HVCDP Focal Person, mula pa rin sa savings ng HVCDP MiMaRoPa ang ginamit na pondo sa proyekto.  Matatandaan na kasama ang expansion area para sa calamansi production sa lalawigan sa mga pangunahing tinalakay sa isinagawang pagpupulong hinggil sa Calamansi Production and Disease Indexing noong Oktubre 2021 sa Calapan City kasunod ng pagbisita ni Sec. Dar sa Oriental Mindoro noon namang Setyembre ng nasabi pa ring taon.

Pagbabahagi ni VKFF President Ruel Sanchez, malaki ang maitutulong ng mga pinamigay na pananim ng HVCDP sa balakin nilang palawakin ang taniman ng calamansi sa kanilang lugar.

Aniya, “Ito po ay malaking katulungan sa aming farmers ng calamansi kasi mag-eexpand po kami ng taniman sa 446 hectares dito sa Victoria. Iyong ibang puno na matatanda na ay ito po ang aming pamalit, malaking tulong sa farmers na hindi na nila bibilhin pa (ang pananim). Salamat sa DA MiMaRoPa at sa HVCDP.”

Malugod ring tinanggap ng pangulo ng Samahang Maghahalaman ng San Jose na si Luisito Fulgencio ang ibinabang mahigit 7,000 calamansi sa kanilang lugar. Buo rin ang ipinakitang suporta at pasasalamat ni Bongabong Municipal Agriculture Officer Gary Sapinit sa proyekto.

“Ako po ay nagpapasalamat sa DA MIMAROPA at sa HVCDP sa binigay na calamansi. Ito po ay malaking tulong sa aming payamanan,” mensahe ni Pres. Fulgencio.

“Ang Municipal Agriculture Office ng Bongabong ay lubos na nagpapasalamat sa DA MiMaRoPa sa pangunguna ni Director Antonio G. Gerundio at kay Regional HVCDP Focal Person  Corazon O. Sinnung sa pagpapadala ng programa ng kalamansian sa Samahang Maghahalaman ng San Jose.  Sa ngalan ni Mayor Elgin Malaluan, kami ay taos pusong nagpapasalamat sa programang hatid ng DA MiMaRoPa,” saad naman ni MAO Sapinit.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.