Namahagi muli ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pakikipagtulungan sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng mga kagamitan at makinaryang pangsakahan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
“Kami sa Kagawaran ng Pagsasaka ay patuloy na maghahanap ng mga pamamaraan para mabawasan ang ating cost of production, maimprove ang value chain management processes natin,” pahayag ni RED Antonio Gerundio.
P127 milyong halaga ng mga makinarya at kagamitan ang natanggap ng 49 na Farmers Association at mga kooperatiba ng mula sa mga bayan ng San Jose, Sta. Cruz, Sablayan, Abra de Ilog, Calintaan, Mamburao, Sta. Cruz, Magsaysay at Rizal sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Laking pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Occidental Mindoro dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang mga magsasaka. “Kaya po nating bumangon dahil ang suporta ng gobyerno ay nandyan. Kaya upang mapababa ang production cost natin isa po itong mechanization program ng national government under RCEF,” ani ni Gob. Eduardo B. Gadiano.
Binahagi ang 33 na four wheel drive tractor, 39 na hand tractor, pito (7) na na floating tiller, 13 na walk behind transplanter, tatlo (3) na riding type transplanter, pito na rice reapers, 20 na combine harvester at tatlong standard thresher with tires. Ang ilan sa mga ito ay direktang ipinamahagi sa mga munisipyo.
Malaking tulong ang mga ito sa mga Farmers Association at kooperatiba sa probinsiya ng Occidental Mindoro. “Sobra sobra po ang aming kaligayahan sa natanggap namin na ito na kahit sa kabila ng paghihintay ay mayroong darating. Ang binigay ng RCEF na ito ay simula na, umpisa na ng pagbangon ng mga magsasaka,” pahayag ni Bb. Gemma Tabian, Pangulo ng Occidental Mindoro Golden Grains Farmer Association Incorporated.
“Ang makinaryang ito ay gagamitin namin ng maayos at sa tamang paraan. Malaking bagay po ito sa aming mga miyembro. Salamat RCEF!” paniniguro ni G. Luisito Damiray, Chairman ng Armado Farmers Association ng Abra de Ilog.
Hinihimok din ng kagawaran na patuloy na magtulungan para sa pag-unlad ng mga magsasaka. “Dapat lamang na sama-sama tayong magtrabaho upang maabot natin ang ating level of competitiveness in the global market,” paalala ni RED Gerundio
Ang RCEF ay pondo para sa magsasaka upang mapataas ang antas ng kanilang mga ani at upang ang ating mga produkto ay makasabay sa pandaigdigang merkado.