News and Events

10th Regional Organic Agriculture Congress, idinaos sa Marinduque
Mga kalakok sa 10th Regional Organic Agriculture Congress na ginanap sa probinsya ng Marinduque.

10th Regional Organic Agriculture Congress, idinaos sa Marinduque

Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka MIMAROPA – Organic Agriculture Program, katuwang ang Provincial Agriculture Office ng Marinduque, ang 10th Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) na may temang “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK: PGS pinalakas para sa Bagong Pilipinas” noong ika-16 hanggang 18 ng Abril, taong kasalukuyan.

Layunin ng tema na hikayatin ang mga magsasaka, tagapagtaguyod ng organikong pagsasaka na mag-apply sa Participatory Guarantee System (PGS) na kung saan ito ay alternatibong sistema ng sertipikasyon na mula mismo sa mga practitioner ng organikong agrikultura.

Tinalakay sa tatlong araw (3) na aktibidad ang mga karanasan, kasanayan, at mga bagong teknolohiya sa larangan ng organikong pagsasaka upang maibahagi at matutunan ng bawat isa at ma-adopt rin sa kani-kanilang probinsya.

Naging pagkakataon din ito upang magpalitan ng mga makabuluhang ideya, inobasyon, obserbasyon, at makabagong pananaw sa organikong pagasasaka ang mga kalahok. Sa pamamagitan rin nito naipakilala ng mga kalahok ang kanilang mga organikong produkto, natulungan sila na palawakin ang kanilang network, at natuto sa kahalagahan ng market linkage.

Ang ROAC ay dinaluhan ng iba’t ibang organic agriculture stakeholders, practitioners, magsasaka, local government unit, non-government organization, at mga mamamayang interisado sa organikong pagsasaka mula sa limang (5) probinsya  ng MIMAROPA.

“Ito na ang pagkakataon upang maipakita natin sa kanila kung ano ang kahalagahan ng organic agriculture upang sa ganoon ay mabigyan nila tayo ng suporta hindi lang sa mga batas kundi pati sa ating budget upang patuloy na maisulong ang organic agriculture,” pahayag ni Regional Organic Agriculture Focal Person Michael Graciano Iledan.

Ibinahagi naman ni Gng. Lea Derequito na kinatawan ni National Organic Agriculture Program Director Bernadette San Juan ang mga kahalagahan ng organikong pagsasaka. Kabilang dito ang: pagiging self sufficient ng bansa upang hindi na umasa sa importasyon; pagpapalakas ng PGS upang makalaban ang ating mga pang-export na produkto; paggamit ng sariling resources upang makabawas sa gastos sa pagsasaka; maprotekta sa kapaligiran; at maisulong ang ligtas at masustansyang pagkain para sa lahat.

Muli namang pinaalala ni Regional Technical Director Dr. Celso Olido, kinatawan ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang kahalagahan ng clustering at consolidation ng mga organikong magsasaka upang magkaroon ng tuloy-tuloy na suplay sa institutional market at magkaroon ng magandang merkado ng kanilang organikong produkto.

Ribbon cutting kasama sina (mula sa kaliwa) Regional OA Focal person Michael Graciano Iledan. Provincial Agriculturist Edilberto De Luna, Gng. Lea Derequito ng National OA Program, Provincial Administrator Michael John Velasco, RTD Celso Olido at mga opisyal ng probinsya.

Sa pamamagitan ng Agribusiness Marketing and Assistance Division, isinagawa rin ang ribbon cutting at exhibit tour sa pangunguna ni RTD Olido kasama ng iba pang kawani at opisyales ng pamahalaan. Labing-apat (14) na exhibitors mula sa limang (5) probinsya, kabilang na ang grupo ng Young Farmers Challenge sa Marinduque, ang naglatag at nagpamalas ng kani-kanilang organikong produkto.

Binigyan rin ng parangal ang mga nanalo sa 2023 Organic Agriculture Month Contest sa kategoryang: poster making contest (young farmer category at adult farmer/OA stakeholders), poem writing contest, at song composition contest.

Isinagawa sa pangalawang araw ang pagbabahagi ng mga resources speaker ng kanilang success stories, testimonya, iba’t ibang pag-aaral, at teknolohiya na makakatulong sa pagpapalakas at pagpapalaganap ng organikong pagasasaka

Nagkaroon din ng farm tour ang mga kalahok  sa Saluciana Intergrated Farm sa Sta. Cruz at Sibuyao Demo Farm sa Torrijos upang makita ng personal ang kanilang mga teknolohiya at pamamaraan sa organikong pagsasaka.

Nagbigay rin ng pananalita at buong pusong nagbigay suporta sina Provincial Administrator Michael John Velasco na kinatawan ni Congressman Lord Allan Jay Q. Velasco, G. John Fernandez Jr. na kinatawan ni Governor Presbitero J. Velasco, Jr., Vice Governor Adeline M. Angeles, Provincial Agriculturist Edilberto De luna, at Boac Municipal Mayor Armi DC. Carrion.

Photo Gallery

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.