Nagmartsa ang 100 magsasaka mula sa Victoria, Oriental Mindoro bilang pagtatapos ng kanilang 14 na linggong Farmer Field School (FFS) sa Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC) nitong ika-anim ng Abril. Ito ay kinabibilangan ng mga babae at lalakeng magsasaka mula 27 taong gulang hanggang sa 60 gulang.
Ang FFS na ito kung saan tinuro ang ukol sa Production of Quality Inbred Rice and Seed Certification and Farm Mechanization ay pinagtulong- tulongang isakatuparan ng ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa Rehiyon ng MIMAROPA, Agricultural Training Institute (ATI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng makapasa ang RIARC na maging learning site.
Ito ay isa sa programa sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na naglalayon na paunlarin ang kaalaman ng mga magsasaka ng palay ukol sa mga makabago at napapanahong teknolohiya.
Sa 14 na linggo, natuto ang mga magsasaka simula sa kasalukuyang sitwasyon ng industriya ng pagpapalay sa bansa, mga programa ng Kagawaran, mga makabagong pamamaraan at kaalaman sa pagtatanim, mga post-harvest activity, kasama na rin ang pagmamarket at pamamahala ng pagnenegosyo nito.
Sa mensahe ni Regional Executive Director Antonio Gerundio ng DA-MIMAROPA binigyan diin niya ang pagsasaayos ng kanilang value chain gamit ang kanilang natutunan sa FFS upang mas kumita sila sa pagpapalay.
“Kung negosyante kayong todo, kailangan niyong i-define ang inyong value chain o ang inyong merkado dahil ito ang hallmark ng pagnenegosyo,” kanyang pagpapayo.
Bukod rito nilatag niya rin ang mga programang sumusuporta sa pagnenegosyo at magpapaunlad sa kanilang pagpapalay katulad ng mga pautang na walang interes, mga programa para sa pagsusuri, at ang kagandahan ng pagsasaayos ng kanilang organisasyon.
“Marami kayong pwede pagpilian sa (mga programa ng Kagawaran) kailangan lang nating pagtrabahohan. We can help you reach your aspirations in life in collaboration with the LGU,” kanyang dinagdag.
Bukod sa kanya, nagbigay din ng mensahe sina Agricultural Program Coordinator Officer Coleta Quindong, ATI Center Director Pat Andrew Barrientos, TESDA Provincial Director Jose Pilotin, at Mayor Joselito Malabanan ng Victoria.
Upang makuha naman ang saloobin ng mga nagtapos nagkaroon ng pagbabahagi ang lider ng bawat grupo sa klase. Lahat sila ay nagpapasalamat sa kanilang mga natutunan at umaasa na hindi magtatapos dito ang tulong ng Kagawaran at mga kasama nitong ahensiya.
“Isang malaking hamon sa atin na ang ating kaalaman ay madagdagan upang gawin natin sa ating mga sarili-sariling bukid. Atin lamang po sundin lahat ng ito dahil ito ay malaking tulong din sa atin,” ayon kay Rudy Largado lider ng unang grupo.
Para naman kay Roman Julio Lauzon mula sa pangalawang grupo siya ay nagpapasalamat dahil sa naranasan nila at natutunan kung papaanu magpatakbo ng mga makinarya.
“Kami pong ga-graduate ay nagpasasalamat sainyo dahil nadagdagan ang aming kaalaman. Kami po ay mga senior citizen na pero dito po namin naranasan ang makasakay sa harvester, magpatakbo ng transplanter na bago,” kanyang pagbabahagi.
Hindi rin nakalimutan pasalamat an ni Peter Ampongan mula sa pangatlong grupo ang kanilang mga tagapagsanay sa matiyagang pagtuturo sa kanila.
“I also congratulate the facilitators for managing the training efficiently…Sila ay walang sawang paulit-ulit na itinatanim sa aming isipan ang Palay Check na una dapat naming malaman kasama ang Key Check 1-9…I am proud to salute all the trainors. Kaya ini-encourage ko ang aking mga kapwa trainees na i-share ang aming mga natutunan sa mga kapwa magsasaka,” ayon sa kanya.
Mula naman sa kumakatawan ng mga katutubo , nagpasalamat si Atoy Manday ng tribo ng Tadyawan dahil magagamit niya ang kaalaman na ito sa kanyang bagong trabaho sa Lokal na Pamahalaan ng Oriental Mindoro at pagtulong na rin sa kanyang mga kasamahan.
“Lubos po akong nagpapasalamat dahil matagal na po namin itong hinahantay. Lalo na po ngayon ako ay nagtatrabaho na sa Development Planning bilang katawan ng mga IPs (indigenous peoples). Ang aking po natutunan ay ituturo ko rin sa iba pang katutubo dito sa Oriental Mindoro. Kaya lubos po talaga akong nagpapasalamat, “ wika niya.
Bukod sa kaalaman na kanilang babaunin pagkatapos ng FFS, ang bawat estudyante ay nakatanggap ng P2,240 bilang allowance sa 14 na linggong pagpasok sa RIARC, may karagadgan pang P500 para sa kanilang Personal Protective Equipment at P500 para sa kanilang internet allowance, ang mga ito ay hatid sa kanila ng TESDA-Oriental Mindoro.
Nakatanggap din sila ng sertipiko ng pagtatapos at mga regalo katulad ng longsleeves with hood, mga face mask, vest, at fisherman hat na kapakipakinabang sa kanilang pagtatanim bilang paggawad sa kanilang aktibong pakikibahagi sa mga ginagawang aktibidad sa loob ng klase.
Ayon kay Katherine De Castro, isa sa mga punong-abala, bilang sila ay nakapagtapos na sa FSS at may natanggap na sertipiko mula sa TESDA, sila ay maaari na ring kunin bilang tagapagturo sa mga susunod na FFS at may kasama pa itong insentibo. Inaantay na lamang ang susunod na alokasyon mula sa TESDA upang makapagsimula muli sa panibagong batch ng mga magsasaka.