News and Events

10 Makinarya, Pinagkaloob sa mga Magsasakang Benepisyaryo ng AMIA Project sa Oriental Mindoro
Pinangunahan ng mga tauhan ng AMIA MIMAROPA at mga kinatawan ng mga katuwang na tanggapan ang ribbon cutting bago ang opisyal na turnover ng mga makinaryang pansaka: (mula sa kaliwa) San Roque NHS Principal Sionida Alvarez; 4Ps Municipal Link Jun Jun Z. David; Pastor Hekoy Epper; AMIA MIMAROPA Project staff Vilma Sagangsang; AMIA MIMAROPA Co-Project Leader Janeene N. Carpio; SAO Philippines Area Manager Oscar L. Alchupas; at AMIA MIMAROPA Project Leader Allan Lalap.

10 Makinarya, Pinagkaloob sa mga Magsasakang Benepisyaryo ng AMIA Project sa Oriental Mindoro

Calapan City, Oriental Mindoro – Sampung (10) makinarya sa pagsasaka ang pinagkaloob sa San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA), ang asosasyon ng mga magsasakang benepisyaryo sa Oriental Mindoro ng Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Project ng Kagawaran ng Pagsasaka.  Idinaos ang opisyal na seremonya ng paggawad ng mga makina sa Brgy. San Juan, Bulalacao kamakailan.

Malugod na tinanggap at labis ang pasasalamat ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) sa mga makinang pinagkaloob sa kanila na malaki anila ang maitutulong sa kanilang pagsasaka.

Kinabibilangan ang mga nasabing mga farm machinery ng apat (4) na hand tractor, apat (4) na pump engine, isang mechanical shredder at isang mini palay thresher na may kabuuang halaga na P1,858,000. Malugod na tinanggap ang mga ito ng samahan sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Pastor Hekoy Epper dahil sa laki ng  maitutulong nito sa kanilang pagsasaka. 

Mas mapapabilis na ang preparasyon ng mga taniman sa tulong ng mga hand tractors, may trailer din ito na maaaring pagkargahan ng iba’t ibang farm inputs at ani ng mga magsasaka.

“Sa lahat po ay partikular po ang aking pasasalamat dito po sa AMIA Village project na sila po ang tumugon sa aming mga kahilingang ito kung kaya ay akin pong inuulit ay taos puso po naming tinatanggap ang lahat ng ito na ibinigay ninyong kagamitan para maging kapaki-pakinabang hindi lamang sa ngayon kungdi sa kinabukasan ng aming salinlahi pa,” pasasalamat ni Pastor Epper.

Pinangasiwaan naman ang pagkakaloob ng mga makinarya ng mga kawani ng DA MiMaRoPa – Research Division na sinanay para pamahalaan ang implementasyon ng proyekto sa Oriental Mindoro.

“Ito po ay malaki ang magiging tulong para po ninyo malinang nang mas maigi pa ‘yong inyong lupa para makapag-produce pa kayo ng mas maraming pagkain at siyempre kapag kayo ay maraming nagawang pagkain, kikita ang inyong samahan,” mensahe ni AMIA Project Leader Allan Lalap, Senior Science Research Specialist.

Ang AMIA ay isa sa mga pangunahing programa ng Department of Agriculture na naglalayong tulungan ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa na magkaroon ng mga kabuhayan at komunidad na matatag sa klima gamit ang Climate Resilient Agri – Fisheries Approach (CRA) na nakatuon sa pagharap at pamamahala ng iba’t ibang mga climate risk kasabay ng pagsusulong ng sustainable livelihood.

Ayon kay AMIA Project Leader Lalap, ang AMIA Village sa Oriental Mindoro ay binubuo ng 100 mga farmer cooperator na karamihan ay mga katutubo at miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa mga Barangay ng San Juan, San Roque, Sitio Abintang sa Brgy. Nasucob, at Brgy. Benli sa Bulalacao.  Pinakahuling nadagdag dito ang Sitio Bait sa Brgy. Panaytayan, Mansalay.  Ang bayan ng Bulalacao at Mansalay ay dalawa (2) aniya sa apat (4)  na munisipalidad sa lalawigan na mababa ang kakayahang makabawi kaagad kapag tinamaan ng kalamidad ayon na rin sa isinagawang Climate Risk Vulnerability Assessment ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB).  Mga katutubo ang prayoridad na tulungan ng programa upang maabot sila ng mga interbensyon ng Kagawaran at tulungang makasabay sa mga bagong teknolohiya sa pagsasaka.

Maliban sa mga makinarya, nauna nang nakatanggap ang samahan ng P1.3M na halaga ng mga agricultural supply na kinabibilangan ng 20kg African Night Crawlers para sa vermi composting na kanila na ngayong pinagkakakitaan, 700 native na manok, 5,000 pineapple slips, 22,500 cassava cuttings, 1,300 budded calamansi, 500 sako ng vermi cast, 156 sako inorganic fertilizers, at siyam (9) na kahon ng iba’t ibang binhi ng gulay mula pa rin sa AMIA; karagdagang 95 na native na manok at 10 native na baboy mula sa DA Livestock Program; dalawang (2)  sako ng OPV corn mula sa Corn Program at  ang ipamamahaging 800 Lakatan suckers mula sa DA-Bureau of Agricultural Research (BAR).  Nakatakda na rin ang pagtatayo ng tatlong (3) portable fish ponds na nagkakahalaga ng P100,000 bawat isa para sa mga cooperators na nasa sektor ng pangisdaan. Iba’t ibang pagsasanay rin ang ibinigay sa mga magsasaka hinggil sa tamang paggamit at pamamahala ng mga interbensyong natanggap nila upang matiyak na makatutulong ang mga ito na makamit nila ang masaganang ani at mataas na kita.

“The appreciations of receiving DA interventions from the side of the farmer associations was a vivid reflection of their acceptance of collaborative agenda with the AMIA Program towards attaining climate-resiliency and food security in most marginalized and most vulnerable farming communities,” pahayag naman ni AMIA Regional Focal Person Randy Pernia hinggil sa ipinakitang pagpapahalaga ng samahan sa pagtanggap ng mga tulong mula sa Kagawaran.

Katuwang ng AMIA MIMAROPA sa proyekto ang DSWD na silang tumukoy ng mga magsasakang benepisyaryo ng 4Ps, Share an Opportunity (SAO) Philippines na nagpahiram ng vermi composting shed, at ang San Roque National High School na siyang school cooperator at pinagdarausan ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka.

Samantala, bahagi rin ng AMIA Village Project ang implementasyon ng Climate Information System (CIS) na naglalabas ng Regional and Provincial Seasonal Climate Outlook and Advisory gayun rin ng 10-day Farm Weather Outlook Advisory.  Layunin nito na magkaroon ng panlahatang database upang makabuo ng napapanahon at maaasahang datos upang mabawasan, mapagplanuhan at mapamahalaang mabuti ang mga posibleng peligro dulot ng mga sakuna.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.