News and Events

1.5M halaga ng baka mula sa DA tinanggap ng FA sa Palawan
Mga miyembro ng Aribungos Coconut Farmers Association na nakatanggap ng baka.

1.5M halaga ng baka mula sa DA tinanggap ng FA sa Palawan

Tinanggap ng Aribungos Coconut Farmers Association ang 30 ulo ng baka na nagkakahalaga ng PhP 1.5M sa ilalim ng Livestock-Based Livelihood Enterprise and Development Program for Cattle Production ng Department of Agriculture-MIMAROPA.

Layunin ng programang ito na mas pataasin ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical assistance, inputs at production support upang matulungan ang mga magsasaka na maging isang enterprise.

Ang Aribungos Coconut Farmers Association ang napiling benepisyaryo ng LGU Brookes Point dahil sa lawak ng kanilang niyogan na pwedeng paglagyan at pag-alagaan ng mga baka. Ang 30 miyembro ay nakatanggap ng tag-iisang baka.

“Napakaganda ng future ng livestock dito sa amin dahil dito po ang pinakamalawak na niyogan dito sa Palawan. Alam naman natin na sa pagniniyogan ay mayroong malawak na lupa at mga damo sa ilalim na bagay na bagay pag-alagaan ng baka. Napakalaking tulong po nito para sa ating mga magsasaka,” pahayag ni Municipal Agriculturist Renato Bacosa.

Nagpapasalamat ang mga miyembro ng Aribungos Coconut FA dahil sa tulong na ibinigay sa kanila ng kagawaran.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa Department of Agriculture na may binigay po silang tulong sa amin na bakahan po. Ito po ay napakahalaga sa aming mga magsasaka dahil po ito ay malaking tulong sa amin kung ito po ay mapapalago namin para sa aming hanapbuhay,” pasasalamat ni Susan Macabutas.

“Nais ko lamang pong magpasalamat sa DA at sa LGU ng Brooke's Point. Maraming salamat po sa lahat ng tumulong sa amin at malaking tulong po ito sa mga farmer na katulad namin. Maraming salamat po sa baka na ibinigay sa amin, ito po ay aalagaan namin hanggang makapanganak dahil malaki po ang magiging pakinabang nito sa amin,” saad naman ni G. Arcelito Inso.

Bukod sa 30 miyembro na nakatanggap, pagsisikapan naman ng Aribungos Coconut FA na paramihin ang mga baka na natanggap sa pamamagitan ng Artificial Insemination (AI) sa tulong ng DA-MIMAROPA upang maging ang ibang miyembro ng asosasyon ay magkaroon rin ng aalagaang baka.

“Amin pong aalagaan at paparamihin ang mga baka na ito para yung mga miyembro na hindi po nabigyan ay mabiyayaan din at magkaroon ng karagdagang kita,” ani ni Onsing Melada.

Ang magiging produkto ng AI o ang inahing baka ang maaaring gawing kabayaran ng mga naunang nakatanggap upang mabigyan rin ng baka ang ibang miyembro ng Aribungos Coconut FA.

Ang turnover ceremony ay naganap noong ika-3 ng Abril sa Brgy. Barong-Barong, Brooke’s Point, Palawan na pinangunahan ng DA-MIMAROPA Livestock Program na kinatawanan ni Rissa Lavilla at ng Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni MA Renato Bacosa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.