Isang libong piraso ng matitibay at dekalidad na mga plastic crates na may kabuuang halaga ng P980,000 ang pinamahagi kamakailan ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) MiMaRoPa sa pitong (7) samahan ng mga magsasaka sa Oriental Mindoro mula sa natipid na pondo ng programa ng nakaraang taon.
Pinangunahan ni HVCDP Oriental Mindoro Provincial Coordinator Arjay Burgos, Agriculturist II ang pamimigay ng mga naturang gamit bilang kinatawan ni HVCDP Regional Focal Person and OIC Operation Division Chief Corazon O. Sinnung. Kabilang sa mga benepisyaryong samahan ang Gloria Sustainable Agriculture Association (GLOSAA), Narra Vegetable Growers Association (Narra VGA), Makapili Vegetable Farmers Association (MAKAPILI VFA), Pinagsabangan Vegetable Growers Association (PVGA), Mabuhay Farmers Association (MBUHAY FA), Hagupit Farmers Association at Victoria Kalamansi Farmers Federation (VKFF). Nakatanggap rin ng plastic crates ang Mary Help of Christians School (Mindoro), Inc. na nagtuturo ng agrikultura sa mga kabataaang katutubo.
Labis ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa mga natanggap na plastic crates dahil malaki anila ang natipid ng kani-kanilang samahan.
“Malaki ang pakinabang sa amin dahil kami ay hindi na bibili, hindi na mahihirapan (sa lagayan ng gulay) tulad ng mga nasa sako na ililipat sa plastic (sapagkat) dito sa mga crates ay maganda na siya, quality at walang gasgas ang mga produkto. Nagpapasalamat po ako sa Department of Agriculture MiMaRoPa at sa HVCDP dahil kami ay sinusuportahan sa mga kahilingan ng aming samahan,” mensahe ni Noli Nappa, pangulo ng Narra VGA.
“Nagpapasalamat po ang aming asosasyon sa mga ibinigay ng DA na mga plastic crates at ito po ay aming mapapakinabangan sa aming mga pagbibyahe ng mga gulay papuntang Maynila. Kapag natapos po ang aming trading post ay gagamitin po namin itong lagayan ng gulay,” pasasalamat ni Milor Marasigan, pangulo naman ng GLOSAA.
Samantala, ngayong 2022 ay 60 samahan ng mga nagtatanim ng gulay sa MiMaRoPa ang nakatakdang makatanggap ng plastic crates mula pa rin sa HVCDP. Ang pamamahagi ng mga naturang kagamitan ay isa sa mga regular na proyekto ng HVCDP sa rehiyon upang matulungan ang mga magsasaka sa pagkakaroon ng mas maayos, matibay at ligtas na lagayan ng kanilang mga aning gulay at prutas upang mapanatili ang kalidad ng mga ito mula sa taniman hanggang sa mga tindahan.