Success Stories

Patuloy ang daloy ng tagumpay: Ang pag-unlad ng mga magsasaka ng SWISA-OPIS
Larawan ng concrete canal at diversion dam na ibinigay sa Small Water Irrigation System Association of Paetan Interior Spring sa Paetan, Sablayan, Occidental Mindoro

Patuloy ang daloy ng tagumpay: Ang pag-unlad ng mga magsasaka ng SWISA-OPIS

Kilala ang bayan ng Sablayan sa lalawigan ng Occidental Mindoro bilang pinakamalaking munisipalidad sa buong bansa na may malawak na lupang nakalaan sa pagsasaka ng palay, mais at high value crops. Dito rin matatagpuan ang mga masisipag at determinadong mga magsasaka na patuloy na nagbibigay seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalago ng pananim.

Kabilang dito ang mga magsasaka mula sa Small Water Irrigation System Association of Paetan Interior Spring (SWISA-OPIS) mula sa Brgy. Paetan. Sila ang grupo ng magsasaka na napagkalooban ng diversion dam na nagkakahalaga ng Php 5M mula sa Department of Agriculture (DA) MIMAROPA Rice Program noong 2015.

Taong 2013 nang itinatag ang SWISA-OPIS sa pangunguna ni G. Roberto Camero, Presidente ng asosasyon at sa mungkahi ng DA MIMAROPA ay nagpadala sila ng request para sa diversion dam upang matigil na ang kanilang pagsa-sand bagging.

Sa kasalukuyan, mayroon na silang tatlong (3) concrete canal na nagkakahalaga ng Php 15.5M. Ito ay matatagpuan sa Sitio ng Bulawan, Calabasa, at Balagbag.

Ang disensyo ng concrete canal ay maliit dahil sa naideklara nilang 40 ektaryang sakahan noon kung kaya’t hindi nito kinakaya ngayon ang volume ng tubig. Nagsagawa ng scheduling sa pagpapatubig ang asosasyon sa bawat block upang masolusyonan ang problema at maserbisyuhan ang lahat ng sakahan. Sa pagsasagawa ng rotasyon ay mas dumami at lumawak pa ang kanilang napapatubigan at hindi ito nakapekto sa kanilang ani dahil ayon sa kanila ay kailangan rin ng konting pahinga ng bawat sakahan.

Dati ay 40 ektaryang sakahan lamang ang napapadaluyan ng tubig at ngayon ay nasa higit 100 hanggang 143 na ektaryang sakahan na ang naseserbisyuhan ng diversion dam tuwing second crop at higit 200 ektarya naman tuwing main crop.

Ang proyektong ito ay isang malaking tagumpay hindi lamang para sa asosasyon kundi pati na rin sa ibang pang magsasaka na aabot ng serbisyo ng dam. Ito ay nagdudulot ng regular na supply ng tubig para sa kanilang palayan na nagbubukas ng daan para mas lumago ang kanilang pananim at maiwasan ang pinsalang dulot ng pag-apaw ng tubig sa mga sakahan.

Masaganang ani dahil sa hybrid at clustering

Sa kasalukuyan, ang kanilang cluster ay binubuo ng 65 na magsasaka na may kabuang sukat ng sakahan na 143 ektarya. Sila ay nagtatanim ng hybrid seeds na kung saan umaani sila ng nasa 200 kaban ng palay tuwing main crop at nasa 140 kaban naman tuwing second crop.

Si G. Jericho Mamaril, miyembro ng SWISA-OPIS.

“Mas lumaki ang ani ko ngayon dahil sa hybrid seeds na binigay ng DA. Nadagdagan ng halos 55 na kaban ang aking ani. Dati ang inaani ko lang sa 1.5 ektaryang sakahan ay 80 kaban ngayon ay 130 kaban na,” pahayag ni G. Jericho Mamaril na dating nakikisaka lamang kay G. Camero at ngayon ay may nakakapag sanla ng lupang sakahan.

Ayon kay G. Camero, malaking bagay na mapabilang sa cluster sapagkat sa pamamagitan nito ay nabibigyan sila ng iba’t ibang interventions at trainings mula sa kagawaran.

Si G. Roberto Camero, Presidente ng SWISA-OPIS

“Nakakatanggap po kami ng mga intervention katulad ng traktora, binhi, fertilizers at fuel na  malaking kabawasan dahil dati dinudukot namin sa aming bulsa ang pambili ngayon ay hindi na. Malaking tulong po na mayroon ng ganun na binibigay ang DA kaya malaking pag-unlad po naming sa pagsasaka,” wika ni G. Mamaril.

Kasabay ng pagtaas ng produksyon ng palay sa kanilang lugar ay ang pag-unlad rin ng mga maliliit na magsasaka.

“Dati nasa 70% ng bahay rito ay yari sa kugon lamang ngunit ngayon ay halos 100% na ay gawa na sa yero at nakakabili na rin ng mga sariling sasakyan,” saad ni G. Camero.

“Maraming salamat sa DA kasi nabago ang buhay naming mga magsasaka. Malaking tulong ito sa pamilya namin. Dati higit tatlong (3) kilometro ang nilalakad ko hanggang sa bukid namin, ngayon ay nakabili na ako ng motor. Dati mag-isa ko lang sa bukid, ngayon kahit papano’y may tatlo (3) na akong kasama,” pasasalamat niya.

Ayon kay G. Mamaril, nakapagpagawa na siya ng sariling bahay, nakabili na ng dalawang motor, at naibibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa tulong ng mga benepisyong natatangap mula sa kagawaran.

Sa tatlumpu’t isang (31) taong pagsasaka naman ni G. Camero, ang kanyang dating isang (1) ektaryang sakahan na ipinamana sa kanya ng kanyang ama ay naging higit sa 10 ektarya na ngayon. Mula sa dating 43 kaban na ani ngayon ay nasa 140 kaban kada ektarya na ang kanyang inaani.

Nagpapasalamat si G. Camero sa kagawaran hindi lamang dahil sa mga interventions tulad ng makinarya na ibinigay sa kanila kundi pati na rin sa mga pagsasanay na dinaluhan nila. Naging interisado siya sa mga pagsasanay na ginagawa ng kagawaran dahil ayon sa kanya ay naibabahagi niya rin ang mga kaalaman sa mga kapwa niya magsasaka at sa kooperatibang kanyang kinabibilangan.

“Malaking tulong rin po talaga ang mga makinarya dahil dati nagti-three moves kami - kalsada, kariton, bilaran - ngayon ay diretso na at hahakutin nalang. Dati rin nakikiusap kami sa tao na gapasin [ang ani], ngayon ay hindi na,” sabi niya.

Hindi lamang sila kabilang sa asosasyon, kasapi rin sila sa isang kooperatiba, ang Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay (SAGUTT) Multi-purpose Cooperative, na nakatanggap rin ng iba’t ibang interventions mula sa kagawaran tulad ng combine harvester na pangunahing kailangan ng mga magsasaka tuwing anihan.

“Malaking alwan nito [pagsapi sa kooperatiba] dahil dati hindi kami pwedeng magpaani na wala kami sa bukid, ngayon ay pwede na call nalang kay manager at magpapa-schedule nalang. Super ginhawa dahil para kaming pensionado, dahil pagtapos ng anihan bahala na ang coop na mag-process,”

Taong 2018 nang parangalan rin ang asosasyon bilang Outstanding SWISA sa Rice Achievers Awards. Nagkamit sila ng Php 500,000.00 na ginamit para sa proyekto sa irigasyon.

Sa pagkamit ng tagumpay ng SWISA-OPIS, makikita ang kahalagahan ng pagkakaisa, determinasyon, at kooperasyon ng mga magsasaka at ng pamahalaan. Isa itong inspirasyon para sa iba’t ibang komunidad na nangangarap rin ng pag-unlad at mas magandang kinabukasan upang makamit ang tagumpay sa sektor ng agrikultura.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.