Hindi naging hadlang ang distansya upang maabot ng SAAD Program Phase 2 at mahatiran ng tulong ang mga katutubong Cuyonon sa Brgy. Rizal, Magsaysay Palawan. Isa ang bayan ng Magsaysay, na matatagpuan sa Cuyo Island, sa mga pinakamalayong munisipalidad ng nasabing probinsiya.
Kabilang sa mga munisipalidad na nasa ikaanim na kategorya ang Magsaysay, dahilan upang maging kwalipikadong benepisyaryo ng SAAD Program ang isa sa mga asosasyon dito – ang Rizal – Lucbuan Farmers Livelihood Association (RLFLA) na nagsimula sa 20 miyembrong Cuyonon.
Isa ang RLFLA sa mga benepisyaryo ng Ready-to-Lay (RTL) Chicken (Egg) Production Project ng SAAD Program Phase 2 sa MIMAROPA. Karamihan sa mga miyembro ay nagtatanim ng palay, gulay, saging, kasoy, niyog, balinghoy, at nag-aalaga ng mga hayop. Malaking bahagi ng kanilang produksyon ay para sa personal na pagkonsumo habang ang labis naman ay kanilang ibinebenta.
Ipinahayag ng samahan ang pagnanais na magkaroon ng proyektong pagmamanukan, partikular ang pag-aalaga ng RTL chicken, nang sumailalim sila sa Beneficiary Needs Assessment (BNA) noong 2023. Bunsod ito ng hangarin nilang matugunan ang malaking pangangailangan ng isla sa suplay ng sariwang itlog ng mga manok at buhayin ang kompetisyon sa pagbebenta ng itlog upang mapilitan ang iilang nagpoprodyus ng mga ito sa kanilang lugar na magbaba ng presyo.
Mga natanggap na interbensyon
Hindi binigo ng SAAD Program ang samahan at pinagkalooban ito ng Php953,518 na halaga ng mga interbensyon ng nasabi ring taon. Kinabibilangan ito ng 290 piraso ng RTL chicken, 10 kulungan, 150 sako ng patuka, at 24 na bote ng mga gamot at bitamina. Binigyan rin sila ng mga kaukulang pagsasanay sa pamamahala ng proyekto at ng kanilang samahan.
Para sa taong kasalukuyan, kabilang sa naipagkaloob na sa asosasyon ang 30 bote ng mga gamot at bitamina, 30 rolyo ng poultry net, 300 piraso ng tray ng itlog, 40 sako ng patuka, at limang (5) plastic drums na may kabuuang halaga ng Php316,150. Nakatakda pa silang makatanggap ng karagdagang 160 sako ng patuka, egg sorter, at lona para sa kanilang manukan.
Produksyon at kita
Nagsimulang mangitlog ang mga manok ng RLFLA noong Disyembre 2023 kung saan kumita sila ng Php18,756 mula sa pagbebenta ng 2,556 piraso ng itlog. Mula naman Enero hanggang Setyembre, 2024, umaani ng pito (7) hanggang walong (8) tray ng itlog ang RLFLA bawat araw, na kanila namang ibinebenta mula Php220 hanggang Php330 kada tray, depende sa laki ng mga ito. Kumikita ang mga miyembro sa pagtitinda ng mga itlog sa kanilang lugar at mga kalapit na barangay sa Magsaysay at munisipalidad ng Cuyo. Sa loob ng nasabing panahon, umabot sa Php558,984.81 ang napagbentahan ng samahan mula sa 65,833 na mga itlog.
Sa kabuuan, mula Disyembre 2023 hanggang Setyembre 2024, nasa 68,389 piraso ng mga itlog ang naibenta ng RLFLA, na nagbigay sa kanila ng kabuuang kita na Php577,740.81.
Ayon sa kanilang pangulo na si G. Berardo Biarcal, nakatakda nilang ideposito sa bangko ang nasabing halaga at palaguin habang nagpaplano ng iba pang hanapbuhay na maaari nilang simulan bilang karagdagang mapagkakakitaan ng asosasyon.
Binigyang diin rin ng pangulo na inaalagaan nila ang kanilang pananalapi upang matiyak na hindi masasayang ang kanilang pinaghirapan. Aniya, “Hindi kami padalus-dalos sa aming desisyon, sa aming kita. Hindi kami nagkakaroon pa ng partehan sa ngayon. Tinitingnan namin ang kinabukasan, kung pwede naming ipamana ito (sa susunod na henerasyon) kung nandiyan pa ang asosasyon at kung pwede (ay) lumago pa hanggang sa marami tayong matulungan dito sa aming lugar.”
Hamon sa pamamahala ng proyekto
Aminado si RLFLA Chairman Biarcal na hindi madaling pamahalaan noong una ang proyekto, lalo na para sa tulad nilang wala pang kaalaman sa pag-aalaga ng daan-daang mga manok. Ngunit dahil aniya sa mga pagsasanay na binigay ng programa at regular na paggabay sa kanila ng Community Development Officer na si Vilmar Robes, natutunan nila ang tamang pagpapakain at pag-aalaga ng mga ito. Dagdag pa niya, dahil sa Organizational Management Training ng SAAD ay natuto sila kung paano magtala ng datos sa produksyon, kita, at bawat transaksyon ng kanilang asosasyon.
Benepisyo ng proyekto
Nagpaabot ng lubos na pasasamalat sa Kagawaran ng Pagsasaka at sa SAAD Program ang samahan sa pamamagitan ni Chairman Biarcal. Aniya, malaking bagay ang regular na paggabay ng mga kawani ng programa sa kanila upang mapamahalaan nila ng maayos ang kanilang proyekto.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa DA lalo na sa SAAD Program, sa mga bumubo ng team SAAD MIMAROPA. Ang galing ng project na ito, tinututukan ng husto para mai-manage ng tama. Napakalaking tulong nito sa mga miyembro dahil kumikita kami, ganoon rin sa komunidad sa pamamagitan ng aming produkto. Sana po ay marami pa kayong matulungan,” saad ni Chairman Biarcal.
Kaakibat ng patuloy na pagtaas ng kita ng samahan ay ang kasiyahan ng RLFLA sa unti-unting pagkamit ng kanilang hangarin na makatulong sa pagtaas ng suplay ng itlog sa kanilang lugar na hindi lamang abot-kaya ang presyo kungdi sariwa pa.
Samantala, pinaghahandaan na rin ng asosasyon ang posibleng expansion ng kanilang proyekto upang mapanatili nila ang produksyon ng mga itlog, lalong higit sa panahong humina na ang kakayahan ng mga manok na mangitlog.
Sa huli,, dahil rin sa kanilang ipinamalas na husay sa pamamahala ng proyekto, ginawaran ng pagkilala kamakailan ng SAAD MIMAROPA ang RLFLA, bagay na nagbigay anila ng karagdagang inspirasyon upang higit silang maging masigasig sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan mula sa SAAD.