Ginanap ang Groundbreaking Ceremony para sa Rice Processing Center III na nagkakahalaga ng 50M na binubuo ng warehouse (1,000 sqm), Multi-Pass Rice Mill na may 1.5 tons input capacity, Dalawang (2) unit ng Recirculating Dryer na may 12 tons capacity, 6-Wheeler Hauling Truck, Multi Crop Drying Pavement at 500 KVA Generator Set.
Ito ay iginawad ng DA-MIMAROPA sa Calumpit Multipurpose Cooperative sa Brgy. San Vicente, Sablayan, Occidental Mindoro.
"Kami po sa Calumpit MPC ay naghangad at nagdasal ng mahabang panahon upang magkaroon kami ng rice mill at ngayon nga po kami ay nabigyan na nitong Rice Processing Center ay nagpapasalamat kami sa lahat ng tumulong sa amin upang amin itong makamtan. Ngayon po ay tinatanggap namin ng buong puso ang Rice Processing Center na ipinagkaloob sa amin at asahan po ninyong ito ay aming mamahalin at pagpapalain habang kami po ay nabubuhay,” paniniguro ni G. Jose Castillo Jr., chairman ng Calumpit MPC
Iginawad rin ang Certificate of Award para sa San Nicolas Sablayan Irrigators’ Association na nakatanggap ng Solar Powered Irrigation System (SPIS) na nagkakahalaga ng higit 5M.
"Lubos po ang pasasalamat namin sa mga biyayang natanggap mula po sa Department of Agriculture. Sana po ay patuloy po ang inyong pagtulong sa katulad naming mga maliliit na asosasyon kagaya po ng pagbibigay ng equipment at machineries para makatulong po kami sa aming mga miyembro at mapaunlad pa ang antas ng agrikultura sa aming nasasakupan,” ani ni G. Jolarry Torres, Chairman ng San Nicolas Sablayan IA.
Nagbigay rin ang PhilMech mula sa RCEF ng Rice Combine Harvester sa San Miguel Multipurpose Cooperative na nagkakahalaga ng higit 1.7M.
“Salamat po sa kagawaran ng pagsasaka sa inyong mga initiative para ipaabot sa mga magsasaka sa kanayunan at sa mga organisasyon ang mga interventions upang lalong palakasin at paunlarin ang mga magsasaka sa bansa. Sa buong pwersa po ng agriculture, Maraming maraming salamat po! Alam ko po kung bakit umuunlad na ang SAMMUCO ay dahil sa inyong tulong at hindi pagkakait ng mga programa sa mga maliliit na magsasaka. Lahat po ng binibigay ninyo sa amin ay asahan po ninyo na ito po ay aming pag-iingatan at ipaglilingkod sa mga magsasaka,” pasasalamat ni Ptr. Ariel Gonzales, Manager ng San Miguel MPC
Ang aktibidad na ito ay dinaluhan ng mga lokal na opisyales sa pangunguna nina Congressman Leody Tarriela, BM Ryan Gadiano Sioson, na kumatawan kay Gov. Gadiano at Mayor Walter Marquez na kasama ang mga konsehal ng LGU Sablayan.
Pinangunahan naman ni RTD for Operations Celso Olido, na kumatawan kay RED Atty. Christopher Bañas ang aktibidad na ito na siyang bumasa sa mensahe ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.
Pamamahagi ng Fertilizer Discount Voucher
Sakabilang dako, namahagi rin ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pakikipagtulungan ng bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro ng 2,369 Fertilizer Discount Vouchers (FDV) na nagkakahalaga ng PhP 15,617,920.00.
Una itong ipinamahagi noong ika-25 ng Enero sa mga barangay ng Poblacion, Sta. Lucia, Buenavista, Ibud, Tagumpay, Sto. Niño, San Vicente, San Francisco at Paetan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga magsasaka sa ibinahaging ito ng kagawaran.
“Salamat sa DA dahil pinaunlad nila kaming mga magsasaka. Napakasarap tanggapin yung galing sa gobyerno dahil malaking bagay ito sa amin. Malaking kabawasan sa aming gastusin na aming magagamit pa panggastos sa ibang kailangan sa pagsasaka, ani ni G. Fernando Bautista mula sa Brgy. Tagumpay.
Hinikayat naman ni RTD Celso Olido ang mga magsasaka na sumubok pumasok sa pagnenegosyo at maging mga agripreneurs.
“Ngayon po ay pinagsisikapan po nating iconvert ang mga magsasaka sa pagiging mga negosyante. Kaya nga ang tawag ko na ngayon sa mga farmer ay agripreneurs na. Tinuturuan namin ang mga clusters natin na bukod sa produksyon ay matuto silang magbenta ng kanilang mga produksyon at dalhin ito sa mga merkado.
Hangarin namin na ang mga magsasaka ang siyang magdadala ng pag-unlad ng ekonomiya kaya nga po battle cry ng DA ay Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya. Gusto natin na yung sektor ng agrikultura ay magcontribute ng malaki sa ikauunlad ng ating ekonomiya,” paghihikayat ni RTD Olido.