Umarangkada na ang unang batch ng pagsasanay sa paggamit at pamamahala ng mga makinaryang pangsaka ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ngayong 2022 sa Oriental Mindoro na ginanap ika-25 hanggang ika-29 ng Abril.
Dalawampung (20) asosasyon at lokal na pamahalaan na pawang benepisyaryo ng iba’t ibang makinaryang pansaka mula sa ahensiya ang dumalo sa nasabing pagsasanay na kinatampukan ng dalawang (2) araw na lecture sa Calapan City at dalawang (2) araw ring aktuwal na paggamit ng iba’t ibang makinarya sa Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC) sa bayan ng Victoria.
Ayon kay Engr. Christian Carillo, Regional Focal Person ng PhilMech sa MiMaRoPa, ang nasabing aktibidad ay naglalayong turuan ang mga asosasyon at LGUs sa tamang paggamit at pagmimintina ng mga naipagkaloob na makinarya at bilang paghahanda na rin sa mga nakatakda pa lamang tumanggap ng mga ito. Binigyang diin ni Engr. Carillo na ang pag-iingat at pangangalaga ng mga makina ang pinakamahalagang matutunan at gawin ng mga benepisyaryo upang matagal na mapakinabangan ang mga ito.
“Itong training na ito ang magiging basehan nila para sa magandang pagmimintina ng mga makinarya, kung paano nila aalagaan. Dapat mayroon silang talaan ng maintenance, kung anong buwan kailangan magpalit ng parte o ng langis, para sa susunod kung mag-request pa sila o balak pa nilang mag-avail ng iba't ibang makinarya sa iba't ibang ahensya ay may maipapakita sila na magandang record doon sa kanilang mga ginagamit na makinarya,” pahayag ni Engr. Carillo.
Dagdag pa niya, inaasahan nilang ibabahagi sa iba ng mga kalahok sa pagsasanay lalong higit ng mga operators ang kanilang mga natutunan at magsisilbing katuwang ng PhilMech sa pagpapalaganap ng mga kaalaman patungkol sa paggamit at pangangalaga ng mga makinaryang natanggap nila. Hiniling rin ni Engr. Carillo sa mga benepisyaryo ng mga makinarya na ingatan at gamitin ng wasto ang mga ito.
Isa si Bernard O. Damasco, Chairman ng General Esco Multipurpose Cooperative (GEMCO) sa mga naging kalahok sa pagsasanay at labis aniya ang kanilang pasasalamat sa mga dagdag na kaalamang ibinahagi ng PhilMech sa kanila.
“Malaki po ang naitulong nito sa amin katulad po noong sa mga mechanism tulad ng walk-behind transplanter na dati po ay hindi nagagamit. Baka magamit na ngayon dahil may mga turo at aktuwal na ibinigay sa aming kaalaman kaya malaking bagay po (itong training),” saad ni G. Damasco.
Dagdag naman ng isa pang kalahok sa pagsasanay na si Engr. Marlon Manalo, Agricultural Technologist ng Municipal Agriculture Office ng Naujan, malaki ang maitutulong ng pagsasanay upang magkaroon sila ng paunang kaalaman hinggil sa paggamit ng matatanggap na Rice Processing System.
“Napakaganda nitong training na ito ng PhilMech sapagkat unang-una, matututunan ng mga kalahok sa pagsasanay na ito at ako bilang parte ng agricultural engineering ng ating Municipal Agriculture Office ‘yong tamang pag-ooperate namin ng matatanggap na Rice Processing System. Maipapangako po namin na mapangangalagaan namin ito bilang counterpart ng libreg pagbigay nito sa amin. Nagpapasalamat po kami in behalf ng aming opisina bilang kami po ay naging recipient ng Rice Processing System, napakaganda po ng maitutulong nito sa amin dahil ang Naujan po ay kinikilala na rice granary ng Oriental Mindoro.
Nitong 2021, umabot sa P185.6 milyon ang kabuuang halaga ng mga teknolohiyang inilaan ng PhilMech para sa Oriental Mindoro na kinabibilangan ng limang (5) four-wheel tractors, isang (1) precision seeder, isang (1) walk-behind transplanter, 13 combine harvesters, 30 recirculating dryers, at 15 multi stage rice mills.
Samantala, nauna nang isinagawa ang kaparehong pagsasanay sa lalawigan ng Palawan noong ika-28 ng Marso hanggang ika-1 ng Abril na nilahukan ng 17 operators mula sa siyam (9) na samahan ng mga magsasaka sa nasabing lalawigan. Nagsilbing resource speakers sa magkahiwalay na aktibidad sina Engr. Marjorie D. Agustin, Science Research Analyst; Cielo Camille C. Alcantara, Science Research Analyst; Ramil R. Carbonel, Science Research Specialist; Engr. Erjhon Dinglasan, Science Research Analyst at Provincial Focal Person ng Palawan; Engr. Jefte Bay-ongan, Agriculturist II; at Engr. Christian Carillo.
Ang pamamahagi ng mga teknolohiyang pangsaka at pagsasanay ng mga magsasaka ay kasama sa mga pangunahing components ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nasa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL).