News and Events

Pagbuo ng private-led Provincial Allium Commodity Development Council, inihain sa pagpupulong ng onion stakeholders sa OcciMin
Personal na tinugon nina Provincial Agriculturist Alrizza C. Zubiri (kaliwa), G. Elmer A. Velacruz, PAFC Chairman (gitna) at Dr. Celso C. Olido, AMAD Chief (kanan) ang mga katanungan ng mga onion stakeholders na dumalo sa pagpupulong.

Pagbuo ng private-led Provincial Allium Commodity Development Council, inihain sa pagpupulong ng onion stakeholders sa OcciMin

Sa inisyatibo ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng Department of Agricuture MiMaRoPa, isang pagpupulong ang idinaos sa pagitan ng iba’t ibang stakeholders ng industriya ng sibuyas at mga kasapi ng Provincial Onion Commodity Council (POCC) sa Occidental Mindoro sa bayan ng Magsaysay, ika-27 ng Abril.

 Layunin ng aktibidad na sama-sama at isahang kilos ng buong lalawigan katuwang ang Kagawaran ng Pagsasaka upang makabuo ng konkretong solusyon sa mga usapin at problemang kinakaharap ng sektor ng magsisibuyas sa lalawigan. Apat (4) na resolusyon ang inihain at napag-usapan ng mga nagsidalo kabilang na ang kahilingan na bumuo ng Provincial Allium Commodity Development Council na pangungunahan ng pribadong sektor, kahilingan sa Kagawaran ng Pagsasaka na makipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST) at mga state universities and colleges upang pag-aralan at magkaroon ng processing facilities para sa allium products, kahilingan sa Bureau of Plant Industry (BPI) na palakasin at paigtingin ang pagbabantay sa mga points of entry, at ang resolusyon para sa scheduled cluster planting ng sibuyas. 

Pinakinggan ng mga dumalo si Dr. Celso C. Olido, AMAD Chief habang inilalahad nito ang mga ginawang aksyon ng DA MiMaRoPa sa labis na produksiyon ng sibuyas sa Occidental Mindoro.

Ayon kay AMAD Chief Dr. Celso C. Olido, nakikita nila na malaki ang maitutulong ng pagbuo ng private-led Provincial Allium Commodity Development Council upang masolusyunan ang mga kinakaharap na problema ng industriya ng sibuyas sa Occidental Mindoro. 

 “Dito, makikita natin na binibigyan ng empowerment ang mga magsasaka para maabot natin ang masaganang ani at mataas na kita. Ang development council ay magiging daan para makatulong ng gobyerno para malaman kung ano ba talaga ang issue, ano ang root cause confronting the onion industry. Dito, maririnig natin ang boses ng magsasaka at iba pang mga stakeholders ng industriya at kapag nabuo natin ito ay aagapay tayo sa kanila, bibigyan natin sila ng mga pagsasanay para magampanan nila ang mga tungkulin para sa ikagaganda nitong industry,” paglalahad ni Dr. Olido.

Inaasahan na sa susunod na pagpupulong ng grupo ay dadalo ang lahat ng kabilang sa onion industry sa probinsiya upang pinal na mapag-usapan ang pagbuo ng naturang konseho at ano ang mangyayari sa kasalukuyang government-led Provincial Onion Commodity Council.

Ibinahagi ni OIC-Provincial Agriculturist Alrizza C. Zubiri na may mga resolusyon nang ipinasa ang POCC na kinabibilangan ng paghiling sa Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng ordinansa na maghihigpit sa pagpasok ng imported na sibuyas sa lalawigan lalo na sa pagsisimula ng harvest season, paghiling sa Kalihim ng DA na bumuo ng mga  estratihiyang hinggil sa pag-uugnay ng mga magsasaka sa mga mamimili ng sibuyas upang maibenta ang kanilang mga ani sa tamang halaga, at rekomendasyon sa Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan pa rin ng Kalihim ng DA na magkaloob ng karagdagang cold storage facilities na kayang mag-imbak ng hanggang 70% ng mga aning sibuyas. Limang (5) resolusyon rin ang ipinasa ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) upang matugunan ang mga usapin hinggil sa sibuyas.

Mga kasalukuyang aksyon ng DA

Samantala, ibinahagi naman nina AMAD Chief Dr. Celso C. Olido at F2C2 Report Officer Rustom Gonzaga ang mga naging aksyon ng tanggapan sa labis na produksiyon ng sibuyas tulad ng paghahanap ng mga cold storage facilities at mga mamimili sa ibang probinsiya, pagtuturo sa mga magsasaka ng alternatibong paraan ng pag-iimbak ng sibuyas nang hindi dinadala sa cold storage, pakikipag-ugnayan sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) na pabilisin ang paglalagay ng transformers sa cold storage facilities sa Mamburao at San Jose upang maging operational na ang mga ito. Sa kasalukuyan, umuusad na ang pagpoproseso ng mga dokumento ng walong (8) kooperatiba na maaaring makatanggap ng P5 milyong ayuda bawat isa, sa ilalim ng Sagip Sibuyas Financial Grant. Maaari nilang gamitin ang pondo bilang  pambili at puhunan sa pag-iimbak ng kanilang mga sibuyas. Maliban dito, minamadali na rin ang implementasyon ng Philippine Rural Development Project sa ilalim ng Enterprise Development Component sa pagsasakatuparan ng dalawang (2) malalaking cold storage facilities na nagkakahalaga ng P125 milyon. May apat (4) din na hinahaing proposal para sa cold storage facilities na P20 milyon naman ang halaga bawat isa.

Inilahad rin ni Provincial High-Value Crops Development Program (HVCDP) Focal Person Micah Cataloctocan ang mga ayudang naibigay ng programa sa sektor ng sibuyas at ang mga nakalinyang programa at proyekto para sa kanila ngayong taon.

Sa huli, nagpaabot ng pasasalamat si AMAD Chief Dr. Olido sa lahat ng dumalo sa aktibidad at sa kanilang kooperasyon sa pagbuo ng mga konkretong hakbang upang mapaunlad at maiangat ang industriya ng sibuyas at buong sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Occidental Mindoro.

“Sa lahat nang dumalo, ako ay lubos na nagpapasalamat sa ngalan ng aming Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, sa kanilang partisipasyon at sigasig na maresolba ang mga issues ukol sa onion industry nang unti-unti kung hindi man biglaan, at dito rin ay nagkalinawan sa mga usapin na minsan ay nagbigay ng kaunting pagitan sa mga farmers at Department of Agriculture. Lahat ay nakukuha sa magandang pag-uusap,” pagtatapos ng opisyal.

Pasasalamat sa DA

Sa kabila ng nagdaang issue, nagpalasamat pa rin si PAFC Chairman Elmer A. Velacruz sa Kagawaran ng Pagsasaka sa agarang pagtugon nito sa naging problema sa sibuyas ng mga nakaraang linggo.

Aniya, “Ang Department of Agriculture ay hindi nagpabaya sa pagresolba ng problema at suliranin sa onion industry ng Occidental Mindoro. Tumulong po ang DA through the regional office na maibenta ang mga sibuyas sa mga market linkages. Maraming sibuyas ang naibenta through DA intervention at nagpapasalamat po ang industriya dahil ang mga interventions na ibinigay ng DA ay nakatulong ng malaki para sa mga magsasaka ng sibuyas at sa lahat ng commodity din ng ating probinsya.”

Pinasalamatan rin ng opisyal ang patuloy na pagbibigay ng postharvest facilities ng DA tulad ng cold storage na malaki aniya ang maitutulong sa lokal na ekonomiya.

Nagpahayag rin ng pasasalamat si G. Lamberto C. Punzalan, Chairman ng Magsaysay Allium Commodity Development Council sa DA at ibinahagi na maganda na ang presyo ng sibuyas sa kanilang bayan sa ngayon.

“We appreciate very much ang effort ng DA. Sa ngayon ang sibuyas ay nasa P27 o P28 at maganda na iyan, iyan lang ang hinihingi namin noon kahit flat rates lang,” aniya.

Umaasa rin ang dalawa na sa susunod na pagpupulong ay higit pang matutugunan at malapatan ng solusyonan ang mga inilatag nilang suliranin at usaping kinakaharap ng onion industry sa kanilang lalawigan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.