News and Events

Mga magsasaka sa Romblon, kumita ng Php 94K mula sa 2.3 tonelada ng sariwang gulay
Tagumpay sa Kabila ng Hamon. Pinatunayan ng Tubigon Vegetable Growers Association sa Ferrol, Romblon, na hindi hadlang ang limitadong lupang taniman sa paggugulayan matapos silang kumita ng Php 94,124 sa pagbebenta ng 2,300 kilo ng mga sariwang gulay mula Hulyo hanggang Disyembre 2024.

Mga magsasaka sa Romblon, kumita ng Php 94K mula sa 2.3 tonelada ng sariwang gulay

Nagbunga ng tagumpay ang pagsisikap ng Tubigon Vegetable Growers Association sa Ferrol, Romblon.  Mula Hulyo hanggang Disyembre 2024, kumita sila ng Php94,124 mula sa pagbebenta ng mga gulay.  Sa pamamagitan ng kanilang Vegetable Production Project sa Brgy. Tubigon, nakapagbenta sila ng mahigit sa 2,300 kilo ng sariwang ani.

Sa loob ng nasabing mga buwan, nasa 1,129 kilo ng okra, 17 kilo ng upo, 665 kilo  ng pipino, 18 kilo ng talong, 151 kilo ng ampalaya, 108 kilo ng sili, 215 kilo ng sitaw, at 86 kilo ng kalabasa ang naipagbili ng samahan.

Nakapagsuplauy sila ng gulay sa mga karatig-bayan tulad ng Odiongan at San Agustin, kung saan nananatiling mataas ang pangangailangan para sa sariwang gulay.  Mula sa kanilang kita,  idedeposito ng TVGA ang Php 25,000 bilang pondo ng asosasyon, habang ang natitirang halaga ay nakatakda nilang gamitin sa susunod na pagtatanim.

Nagpasalamat si G. Peldrin A. Vizca, presidente ng samahan, sa pakikiisa at dedikasyon ng bawat miyembro para sa kanilang ikauunlad ng kanilang proyekto.

“Nagpapasalamat po ako sa aking mga ka-member at sa mga sumuporta, lalo na sa aming pamilya, kaya nagkaroon kami ng magandang feedback sa pagtatanim namin. 

Pinasalamatan rin ni Vizca ang SAAD MIMAROPA sa tuloy-tuloy nitong suporta lalong higit sa pagbibigay ng mahahalagang kagamitan at input sa pagsasaka.

“Nagpapasalamat po ako sa tulong ng SAAD sa ibinigay nyo po sa amin, lalong lalo na po sa kagamitan, sa mga binhi, sa tools. Sana po ay marami pa kayong matulungan at maabot na mabigyan din kagaya sa amin [natanggap] na mga materyales na pantanim para po mapaunlad ang bawat isang Pilipino.”

Sa kabila ng limitadong lupang tinataniman at kawalan ng espasyo para sa pagpapalawak, ginagawa ng TVGA ang lahat upang lubos na mapakinabangan at maging produktibo ang kanilang isang ektaryang gulayan. Bilang bahagi ng pagpapatuloy ng produksyon, nagtanim sila ng ampalaya, talong, kalabasa, sili, okra, upo, sitaw, at pipino nitong Enero. Inaasahan ang masaganang ani ng mga naturang gulay sa buwan ng Abril.  

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.