News and Events

Marinduque, nakatanggap ng glutinous corn seeds mula sa DA-MiMaRoPa
Mga magsasaka mula sa iba't ibang munisipyo sa probinsya na nakatanggap ng glutinous corn seeds. Ang pamamahagi ay sa pamamahala ng Office of the Provincial Agriculturist. Larawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist.

Marinduque, nakatanggap ng glutinous corn seeds mula sa DA-MiMaRoPa

Nakatanggap ng 30 sako ng glutinous corn seeds ang Probinsya ng Marinduque mula sa Department of Agriculture -MiMaRoPa Region sa tulong ng Bureau of Plant Industry (BPI) kamakailan lamang.  

Ayon kay Engr. Ma. Christine C. Inting, Regional Corn and Cassava Focal Person, ito ay na source out sa BPI dahil sa pagkakaantala ng delivery ng mga binhi dahil sa Enhanced Community Quarantine. "Nag-source out na tayo sa BPI para may maipadala sa kanila dahil nagsisimula nang umulan dun at kailangan na nila ng pantanim," aniya.

Ayon pa kay Engr. Inting , ginagawan na nila ng paraan upang mapabilis na ang pagproseso nito upang mas marami pang magsasaka ng mais ang mabibigyan ng binhi.

Dinala mismo ng Engr. Ma. Christine Inting ang mga binhing mais sa pier sa Dalahican Port upang ito ay maihatid na sa Marinduque.Larawan mula sa FB ni Engr. Ma. Christine Inting.

"Nais ko pong magpasalamat sa DA - MiMaRoPa kahit kami po ay malayo ay naabot po ninyo kami. Ito ay malaking tulong sa amin ngayong panahon ng taniman dahil wala talaga kaming binhi, " pasasalamat ni Gng. Chona S. Labay, Chairman ng MatGasan Farmers Association sa munisipyo ng Gasan.

"Malalaki po talaga ang aming taniman dito at wala po kaming pantanim ngayon dahil ang mga binhi namin ay nabukbok. Hulog po ito ng langit. Nai-distribute ko na po ito at anim po kaming naghati-hati sa dalawang bag ng glutinous corn seeds," dagdag pa ni Gng. Labay.

Tig-anim (6) na bag ang naibigay sa mga magsasaka sa bayan ng Boac at Mogpog, pito (7) sa Sta. Cruz, tig-tatlo (3) para sa Gasan at Buenavista, at lima (5) naman para sa Torrijos. 20 bags rin ng glutinous corn seeds ang nauna nang ipinamahagi ng Office of the Provincial Agriculturist(OPAG).

Ito rin ay na-source out ng DA-MiMaRoPa Corn and Cassava banner program sa BPI at sinagot naman OPAG ang trucking ng mga binhi. Tig-tatlong (3) bag ang ibinigay sa lahat ng munisipyo. Habang ang natitirang dalawang (2) bag ay ibinigay sa mga walk-in clients sa OPAG na pawang mga taga Boac rin.

Maliban sa glutinous corn seeds, namigay rin ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) ng 98 kilo ng sweet pearl seeds sa 98 na piling magsasaka. Ito ay nagkakahalaga ng Php 1,600.00 kada kilo. OPAG din ang namahala sa pamamahagi ng mga binhi sa mga magsasakang humiling ng glutinous corn seeds.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.