Mga kawani ng LGU San Jose na naginspeksyon kontra ASF (Kuha mula sa FB Post ni Doc Nova Romero-Valdez)
Nagsimula na muli ang inspeksyon ng LGU San Jose, Occidental Mindoro sa iba’t ibang pamilihan na nagtitinda ng mga processed meats alinsunod sa kanilang programa kontra African Swine Fever (ASF).
Pinangunahan ni Municipal Agriculture Office kasama si Municipal Agriculturist Romel Calingasan at Dr. Novamarri Valdez nakapag-inspeksyon sila ng 19 na Grocery store, siyam (9) na food establishment, isa (1) na food cart at isa (1) na meat establishment.
Ang layunin ng inspeksyon na ito ay upang mapigil ang pagpasok ng mga processed meat na galing sa mga lugar na may ASF. Isa itong aksyon ng bayan ng San Jose upang sila ay manatiling ASF Free.
“Ang lokal na pamahalaang bayan ng San Jose, Occidental Mindoro sa pamamagitan ng municipal agriculture office ay patuloy na nagsasagawa ng mga iba’t ibang hakbang at gawain para patuloy na maging ligtas ang industriya ng pagbababuyan sa aming bayan para sa banta ng African Swine Fever. Kabilang sa mga gawaing ito ay ang patuloy na pag iinspection sa lahat ng establisemento na nagtitinda ng mga pagkain gawa sa karne ng baboy katulad ng mga restaurant, public market at supermarket”, ayon kay MA Calingasan
Mga inispeksyong tindahan ng processed meat sa palengke ng San Jose (Kuha mula sa FB Post ni Doc Nova Romero-Valdez)
Ang naganap na inspeksyon ay unang hakbang lamang ng pamahalaan kontra ASF.
“Nagsasagawa din ang ASF task force ng inspection sa lahat ng entry point sa aming bayan, sa pantalan ng Caminawit, para sa mga sasakyan at pasaherong nagmumula sa Palawan at Panay island. Gayundin sa San Jose airport para mainspect ang mga pasahero at mga bagahe na sakay ng eroplano na galing naman sa Maynila. Dagdag pa dito ay nagsasagawa din kmi ng disinfection sa mga sasakyang kargang karne ng ibat ibang uri ng hayop na nagmumula sa mga karatig na bayan at lalawigan”, pahayag ni MA Calingasan patungkol sa iba pa nilang hakbang kontra ASF.
Para sa karagdagang impormasyon maaaring tumawag kay MA Romel Calingasan sa numerong 0919-319-0229 o lumapit sa pinakamalapit na Municipal Agriculturist sa inyong lugar.