Kumita ng mahigit sa Php4-M ang tatlong klase ng KADIWA (Katulong sa Diwa at Gawa ni Ani at Kita) sa rehiyon ng MIMAROPA makalipas ang isang buwan ng ito ay mailunsad.
Noong Abril 23, nakakapagtala ng kita na umabot sa Php2.29-M ang KADIWA on Wheels, Php1.5-M ang KADIWA Express, at Php402,529 naman ang KADIWA Retail Selling.
Ang tatlong Kadiwa na ito ay kasalukuyang ginagawa sa mga probinsiya ng Oriental Mindoro na may dalawang (2) “on wheels” at dalawang (2) “express”, Romblon na may isa (1) on wheels, at Palawan na may dalawang (2)”retail selling”.
Ang KADIWA on Wheels ay siyang naglilibot sa bawat bayan o barangay upang maghakot at mamili ng mga ani ng mga magsasaka at kasabay nito ang pagbenta sa mga kabahayan at pagdala sa mga bagsakan. Ang “express” naman ay isang delivery service na kung saan ang isang seller sa loob o labas ng rehiyon ay maaaring mag-order sa operator ng express at direktang dadalhin ito sa kanya. Samantala, sa “retail selling”, ang Kagawaran, katuwang ang isang asosasyon, grupo o LGU, ang siya mismong kukuha ng mga produkto at ani ng mga magsasaka at dadalhin sa tinalagang barangay na pagbebentahan bawat linggo.
Kasama sa pagsasakatuparan ng proyekto ang ilang grupo o asosasyon at lokal ng pamahalaan ng bawat bayan katulad ng Samahan ng mga Tawid-Dagat, Tsuper at Operator ng Oriental Mindoro (STTOORM), DA-PRES Multipurpose Cooperative, Puerto Princesa Agri Producers and Marketing Association, Sicsican Farmers’ Association, Sitio Busngol Farmers Association, Inagawan Kamuning Irrigators Service Association, Inagawan Organic Producers Association ,Luzviminda Seagrapes Growers’ Association, MKC Food Company, Lokal na Pamahalaan ng Odiongan sa Romblon at Lungsod ng Puerto Princesa sa Palawan, at marami pang ibang grupo ng mga magsasaka.
Ayon nga sa mga naunang naisulat na mga pahayag ukol sa KADIWA isang malaking tulong ang proyketong sa mga magsasaka at mangingisda pati na rin sa mga mamimili dahil hindi lamang dahil nailalapit ang mga produkto kundi tiyak na mura pa ang mga bilihin dahil sinusunod nito ang tinalagang presyo ng Kagawaran na nakabatay sa Suggested Retail Price.
“Our Agri-business and Marketing Assistance Division monitors our partners’ buying and selling price and make sure that these are reasonable for farmers to earn money and within bounds of price freeze established at retail markets,” pagpapaliwanag ni Regional Executive Director Antonio Gerundio.
Ang proyektong ito ay inulunsad ni Kalihim William Dar upang masigurado at mapadali ang pag-access ng mga mamamayan sa sariwa at masustansiyang pagkain sa kalagitnaan ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19.